Kaibigan (28)
‘MAY mga nangyari pa, King? Ano pang mga nangyari?’’ tanong ni Dex na hindi makapaniwala. Akala niya, tapos na ang kuwento ng papa ni King at mama ni Lara.
‘‘Naging malaking isyu ang pang-iiwan ni Papa sa mama ni Lara at halos mga tao sa aming bayan ay alam ang nangyari. Maliit lang kasi ang gaming bayan kaya ultimong utot ay naaamoy at kumakalat.
“Dahil sa nangyari, para bang ang pamilya namin ay talagang masamang-masama sa mata ng madla. Sabagay, talaga namang hindi maganda ang ginawa ni Papa na pag-atras sa kasal nila ng mama ni Lara pero pati mga kamag-anak namin ay nadamay na rin sa nangyari. Ang ginawa ng isa ay damay na ang lahat. Kaya kapag naglalakad daw sa kalsada ang mga pinsan ko ay sila ang pinag-uusapan. Naging kontrabida talaga ang aming angkan. Dahil sa isang tao, damay ang lahat.’’
“Kailan nawala ang impresyon na ganun?’’
“Nawala lang ‘yun nung mamatay si Papa. Palibhasay namatay na ang salarin, nabawasan na ang galit. Bumalik na sa normal ang lahat at parang nalimutan na. Pero sa aming magkapatid, parang naroon pa ang masamang ginawa ni Papa. Parang nakadikit na at hindi na mawawala.’’
‘‘Tapos ito nga at kayo pa ni Lara ang nagkatuluyan. Talagang hindi aakalain na ang mga anak-anak ang magkakatuluyan. Pambihira ang istorya ninyo ano, King?’’
‘‘Oo. Pambihira talaga. Hindi ko naman maturuan ang sarili na huwag ibigin si Lara. Mahal na mahal ko siya. Kahit nga anong mangyari, hindi ko siya iiwan.’’
‘‘Siyempre naman. Ganyan talaga ang nagmamahalan. Natutuwa nga ako at mahal na mahal n’yo ang isa’t isa. Nakakahanga kayong dalawa.’’
“Salamat Dex.’’
ISANG gabi, pasado alas onse, nagising si Dex sa mga katok sa pinto ng kanyang kuwarto. Malalim na ang tulog niya dahil napagod siya.
Nang buksan niya ang pinto, si Lara pala ang kumakatok.
‘‘Bakit Lara, anong nangyari?’’
‘‘Si King wala pa. Alas onse na.’’
‘‘Bakit kaya? Baka nag-obertaym?’’
‘‘Hindi ko alam, Dex.’’
(Itutuloy)
- Latest