Palamigin ang siyudad, bawas global warming
Animnapu’t anim na porsiyento ng emissions na nagpapainit sa mundo ay galing sa mga siyudad. Kung gan’un, 66 percent din ng solusyon sa global warming ay manggagaling sa mga siyudad, anang mga eksperto.
Pinakagrabeng makarumi ng hangin ang mga sasakyan. Bukod sa climate change, dulot nito ay sakit sa baga. Sa London sinisingil ng mahal na toll ang mga sasakyang pumapasok sa matrapik na financial district. Sa Paris binawal ang mausok na sasakyang diesel. Sa California inuuso ang mga low-emission electric cars. Sa China 600 siyudad ang may paupahan ng bisikleta; gumagaya na ang Scandinavia.
Kailangan pa rin baguhin ang disenyo ng mga kalye para bawas traffic. Dagdagan ang tren. Pagkabit-kabitin ng elevated sidewalks na may bubong ang second floors ng mga gusali, para maglakad ang mga tao. Sa Pilipinas, gawin ng de-kuryente lahat ng tricycles at jeepneys. Ibawal ang mausok na two-stroke motorcycles. Ibalik ang car-less days sa Intramuros, Manila; Session Road, Baguio; at iba pang urban centers.
Ikalawang nagpapainit ang air-conditioning ng mga gusali. Baguhin dapat ang disenyo para mas maginhawa sa loob maski walang cooling system. Obligahin ang malls at malalapad na buildings na magtanim ng puno sa mga tuktok. Gawing ipunan ng tubig-ulan ang ilalim ng parking lots—I-filter para pang-flush ng mga kubeta at pandilig ng halaman, at pamatay-sunog.
Dati nang hinigpitan ang emissions ng mga pabrika. Ngayon naman pagtanimin sila ng mga puno sa paligid ng compounds. Magtatag din ng tree parks ang mga city hall. Pagtanimin ang mga estudyante.
Targetin sana ng mga gobyerno na palamigin ang temperatura sa mga siyudad. Magbabago ang lifestyles ng mga mamamayan. Mas maglalakad, sisigla, at mamumulat sa paglilinis ng kapaligiran.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest