Biniktima ang palaboy
(Unang bahagi)
Isang kaso ito ng child trafficking na pinarurusahan sa ilalim ng RA 9208 at RA 7610. Ang isyu ay ang kredibilidad ng biktima na siya rin tumatayong testigo na ang edad ay katorse anyos lamang.
Ang kasong ito ay tungkol kay Amy na nagkaroon ng tampuhan sa kanyang nanay at naglayas mula sa kanilang tahanan. Nagpunta siya sa mga kaibigan sa iba’t ibang barangay hanggang sa makilala niya si Berto sa pamamagitan ng isang kakilala.
Tinanong siya ni Berto kung payag siya na makipagtalik kapalit ng pera at pumayag naman agad si Amy dahil wala siyang ibang aasahan kundi ang sarili lang.
Sumunod na araw ay may customer agad na isinama sa kanya si Berto. Nakipagkita siya sa lalaki at sumakay sa kotse nito na kulay pula. Tinanong siya nito sa kanyang edad at sinagot niya na 18 anyos na siya tulad ng turo sa kanya ni Berto. Bandang alas siete ng gabi ay nakarating sila sa bahay ng lalaki.
Nakipagtalik sa kanya ang lalaki, nilamas nito ang kanyang dibdib pati iba’t ibang parte ng kanyang katawan. Matapos ang isang oras ay inihatid siya muli sa bahay ni Berto at binayaran ng P2,000. Binigyan naman ni Amy si Berto ng P600.00 at bumili ng pagkain pagkatapos ay umuwi na siya.
Nang makabalik si Amy sa kanyang ina ay inilahad niya rito ang lahat ng kanyang pinagdaanan. Kaya agad siya nitong isinama sa presinto at nagsampa ng reklamo sa pulisya. Gumawa sila ng sinumpaang salaysay tungkol sa insidente na pinirmahan ng mag-ina. Sumunod na araw ay sinuri ng doktor si Amy sa ospital at nalaman na may mga punit na ang hymen nito.
Kinasuhan si Berto sa RTC sa krimen ng child trafficking sa ilalim ng RA 9208 at 7610. Sa paglilitis ay tumestigo si Amy at sinalaysay ang lahat ng nangyari sa kanya. Sa kabilang banda, itinanggi ni Berto ang mga akusasyon sa kanya. Tumestigo siya sa korte na noong araw daw na mangyari ang krimen ay nasa tayaan (small town lottery) siya kasama pati misis niya hanggang gabi. Ang kanyang alibi ay pinatotohanan ng tatlong babaing testigo. (Itutuloy)
- Latest