EDITORYAL - Nakaamba na ang tigil pasada
Tambak ang mga pasahero kahapon sa mga bus terminal. Mahaba ang pila na tinalo pa ang pila ng mga tao sa MRT stations. Ang pagdami ng mga pasahero ay dahil maraming jeepney ang hindi pumasada dahil wala na raw silang kinikita dahil sa pagtaas ng presyo ng diesel at gasolina. Noong Martes, nagtaas ng P6.50 ang diesel at P2.70 sa gasolina. Nasa mahigit P80 na ang bawat litro ng diesel at mahigit P70 naman ang gasolina. May mga susunod pa umanong oil price hike. Posible raw na umabot sa P100 bawat litro ng diesel at gasolina kung patuloy ang pagtaas ng krudo sa pandaigdigang pamilihan. Tinuturong dahilan ng pagtaas ng langis ay ang giyera ng Russia at Ukraine.
Malaking problema kung titigil sa pamamasada ang mga jeepney driver. Kahit na may libreng sakay ngayon sa bus ang pamahalaan, hindi pa rin sasapat sa rami ng mga pasahero. Sabi ng mga driver ng jeepney, wala silang ibang magagawa kundi tumigil sa pamamasada dahil sa sobrang mahal ng diesel. Ang kanilang kita ay para lamang sa gas at sa boundary. Hindi raw sila masisisi kung igarahe muna ang mga jeepney.
Sabi naman ng ilang lider ng transport groups sa kanilang kasamahan, hindi ang tigil pasada ang solusyon sa problema. Lalo lamang silang magugutom at ganundin ang pamilya. Mas mabuti raw kung tuluy-tuloy ang pasada.
Umapela naman ang Malacañang sa mga jeepney drivers na huwag tumigil sa pamamasada sapagkat gumagawa naman ng paraan ang pamahalaan para sila matulungan. Ayon sa Malacañang, mamamayan ang mahihirapan sa gagawing tigil pasada.
Hiling din naman ng jeepney drivers na itaas na ang pasahe at gawin nang P10. Marami ring nagpanukala na suspendihin ang excise tax sa petrolyo. Pero sabi naman ng Department of Finance hindi ang pag-suspend sa excise tax ang solusyon. Pinakamababa na raw sa Asia ang tax na pinapataw ng Pilipinas sa mga kompanya ng langis. Hindi raw nararapat ihinto ang pagkolekta ng excise tax.
Kung ayaw itaas ang pasahe at ayaw ding itigil ang buwis sa petroleum products, ayudahan ng pera ang mga jeepney, bus, at traysikel drivers. Ito na lamang ang tanging paraan para hindi tumigil sa pamamasada ang mga drayber ng PUVs. Dagdagan naman ang ayudang cash para mayroong mabili ang mga kawawang drayber. Hindi sapat ang P6,500 na ipinagkaloob ng LTFRB ilang buwan na ang nakararaan. Sikaping mabigyan lahat ng ayuda ang drivers.
- Latest