EDITORYAL - Basura ng election
Tapos na ang election at naghihintay na lamang ng resulta. Pero may naiwan na hindi maganda sa paningin sa mga pinagdausan ng botohan—ang tambak ng basura. Walang makapagsabi kung sino ang maglilinis ng mga basura na kinabibilangan ng mga papel, face mask, plastic cup, straw, at marami pang iba.
Hindi lang sa loob ng school na pinagbotohan nagkalat ang basura kundi pati na sa kalsada na pinilahan ng mga tao. Nagmistulang malawak na basurahan ang bisinidad ng voting centers. Wala nang nagpaalala sa mga botante na huwag iwanan ang mga kodigo nila at ang mga plastic ng inumin. Nawalan na ng disiplina.
Tiyak na problema kung sino ang maglilinis. At wala namang ibang kikilos dito kundi ang mga guro na namahala rin sa botohan. Kawawa naman sila. Sana atasan ng Comelec ang mga kandidato na magkusang tumulong sa paglilinis dahil sangkot sila sa pagdami ng basura. Sila ang dapat na unang obligahin. Sana may magkusang kandidato.
Basura ang dahilan kaya laging bumabaha partikular sa Metro Manila. Ilang dekada na ang problemang ito subalit hanggang ngayon, problema pa rin at mas malala dahil kaunting ulan, baha agad.
Inamin na noon ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na mga basura ang dahilan nang pagbaha na karamihan ay pawang plastic na hindi nabubulok. Hindi raw kaya ng pumping stations na pabilisin ang pagliit ng baha dahil sa mga basurang plastic. Ngayong malapit na ang tag-ulan, tiyak na baha na naman ang kalaban sa Metro Manila at kung hindi malilinis ang mga basura sa nagdaang election, problemang malaki. Ngayong may pandemya, nadagdag ang mga ginamit na face masks, face shields sa mga basura.
Noong nakaraang Marso 2, lumahok ang Pilipinas at iba pang bansa sa UN resolution para wakasan ang plastic pollutoin. Naganap ang historic resolution sa UN Enviromental Assemby sa Nairobi, Kenya. Sa resolution, ipinaliwanag ang full life cycle ng plastic products – mula sa produksiyon at design disposal ng mga ito. Inaasahan na ang resolution ang magwawakas sa problema sa plastic pollution sa buong mundo.
Ipagpatuloy naman ng MMDA ang regular na paglilinis o declogging sa drainages at maging sa mga estero. Maraming nakabara at dapat maalis ang mga iyon. Ipag-utos naman ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga kapitan ng barangay na paigtingin ang pagbabantay sa mga magtatapon ng basura sa mga kanal, estero, sapa at imburnal. Tiyak na ang basura ng election ay hahantong sa mga daluyan ng tubig.
- Latest