KODIGO: Paano alagaan ang pamilyang may COVID-19? (Part 1)
2022 na, mga KasamBuhay! Panibagong taon na pero patuloy pa rin nating nilalabanan ang pandemya. Noong nakaraang taon, kahit gaano kami ka-ingat, tinamaan pa rin ng COVID-19 ang aming tahanan. Nagka-severe COVID at na-ospital ang aking mister, habang kaming lahat ng aking mga anak at mga kasambahay ay nagka-mild-COVID naman. Isa ito sa mga pinakamabigat kong karanasan sa buong buhay ko, lalo na’t ilang araw bago kami nagka-COVID ay nauna nang pumanaw ang kuya ni Nonong dahil din dito.
Sa totoo lang, hindi naging madali para sa akin ang pagsabay-sabayin ang aking mga responsibildad noon – pagpapagaling sa aking sarili habang inaasikaso naman ang aking mister na delikado ang kalagayan sa ospital, kasabay ng pag-aalaga din sa aking mga anak at kasambahay na naiwan sa aming tahanan. Bukod dito, kinailangan ko ring siguruhing kumpleto at maayos ang pang-araw-araw na pangangailangan sa bahay.
Kahit na ganoon ang aming pinagdaanan, naitawid naman namin iyon sa tulong ng magagaling at masisipag na mga doktor, nurses, at iba pang frontliners. Kasama na rito ang aruga at walang humpay na pagdarasal ng aming pamilya at mga kaibigan, at siyempre gabay at lakas mula sa Diyos.
Ngayong dumarami na naman ang mga pamilyang nagkaka-COVID dulot ng Omicron variant, binalikan namin ng aking pamilya ang aming naging karanasan sa COVID-19 at ang mga payo ng Child Psychologist na si Rhea Lopa-Ramos sa isa mga Okay, Doc episodes ng Pamilya Talk.
Sana’y makatulong itong ‘COVID-Kodigo’ o listahang aking ginawa ng mga dapat nating tandaan sa pangangalaga sa ating pamilya, lalo na sa mga bata, na may COVID-19.
Obserbahan ang mga sintomas
Ang pinakakaraniwang sintomas ng COVID-19 ay:
- Lagnat
- Ubo/Makating lalamunan
- Sipon
Dahil marami ring nagkakatrangkaso ngayon, huwag nating isiping COVID agad ang sakit ng ating anak.
Ayon sa Philippine Pediatric Society (PPS), sa mga sanggol at bata na may COVID-19, 17.3% ay pwedeng maging aymsptomatic, 42.1% ang may mild symptoms, 24.5% ang may moderate symptoms, at 16.1 % ang puwedeng kritikal o may matinding mga sintomas. Ang pinakasigurado pa ring paraan upang malaman kung COVID nga ito ay ang RT-PCR test.
Yun nga lang, medyo may kamahalan at matagal makuha ang resulta, lalo na ngayong dumaraming muli ang kaso ng COVID sa ating bansa. Puwedeng gamitin ang mga antigen kits na mas madaling mabili at gamitin sa bahay, pero mas sigurado pa rin ang RT-PCR test. Kung negatibo ang antigen test pero may lumabas na COVID-symptoms, ulitin ang test matapos ang 48 oras.
Ipaalala sa inyong mga anak na takpan ang bibig at ilong gamit ang tissue, braso, o siko kapag uubo at babahing upang maiwasan ang pagtalsik ng laway. Madalas siyang painumin ng tubig para hindi ma-dehydrate. Kumunsulta sa inyong doktor tungkol sa mga sintomas, at mga gamot at bitamina na pwede nyang inumin.
Dumapa kung kailangan
“Proning saves lives!” Ito ang paulit-ulit na sinabi ng mga doctor sa amin ni Nonong sa ospital noon para maiwasan niyang ma-intubate o malagyan ng tubo na napakadelikado. Pero bukod sa COVID-pneumonia, makatutulong din ang prone positioning o postural drainage sa paggamot ng ordinaryong pneumonia, grabeng sipon at lagnat. Puwede itong gamitin kahit sa bahay.
Sa proning, pinahihiga ang pasyente sa kama o sa sahig nang nakadapa o nakatagilid (magpalit ng posisyon every 30 minutes to 2 hours) habang pinapalo o tinatapik nang malakas ang taas na bahagi ng kanyang likod. Sa tulong ng gravity, natatanggal ang mucus o uhog sa pagkakadikit sa baga, at nailalabas ito kapag umubo, kaya gumaganda ang oxygen circulation.
Ugaliing maging malinis ang pangangatawan
Ang paghuhugas ng kamay ay isa sa mga pinakamabisang pantanggal at pangpigil sa pagkalat ng mikrobyo. Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention website (cdc.gov), bumababa ng 16-21% ang tsansang magkaroon ng respiratory infections tulad ng sipon kung laging maghuhugas ng kamay. Kaya naman nitong protektahan ang 1 sa 3 bata sa pagkakaroon ng diarrhea, at 1 sa 5 bata naman sa pagkakaroon ng pneumonia. Maghanda lagi ng antibacterial na sabon sa inyong mga banyo at lababo. Magkaroon din ng ilang bote ng alcohol o hand sanitizer (na may 70% alcohol) sa bahay. Paalalahanan ang mga kasama sa tahanan na iwasan ang paghawak sa mga mata, mukha, at bibig.
Maglinis ng bahay
Siguruhing mapapanatiling malinis ang ating tahanan at walang pakalat-kalat na mga bagay na kontaminado ng mikrobyo na puwedeng maging dahilan ng pagkakaroon natin ng sakit.
Itapon agad ang mga disposable face mask (isang beses lang dapat gamitin) at labhan agad ang mga face mask na gawa sa tela. Labhan agad at patuyuin nang tama ang anumang basa tulad ng tuwalya para hindi kapitan ng virus.
Gumamit ng disnifectants. Ayon sa Philippine Pediatric Society na Parent’s Guide on Covid-19 Infection in Children, ang disinfectants o kemikal na panlinis gaya ng household bleach, hydrogen peroxide > 0.5% at 70-90% ethyl/isopropyl alcohol ay mabisang nakakatanggal ng mikrobryo. Pero maaari ring makasama ito sa ibang tao at sa hayop. Kaya mabuting pag-aralan at piliing mabuti ang mga gagamiting panlinis. Gumamit din ng guwantes o gloves.
Suotin ang face mask, protektahan ang sarili
Kung may kasama sa bahay na may COVID pero ang iba ay walang sakit, magsuot ng face mask kahit na nasa loob ng bahay. Ang pagsusuot ng face mask ay hindi pa rin garantiya na ikaw ay hindi mahahawa. Pero mabibigyan ka nito ng proteksyon. Ayon sa PPS guide, kapag tama ang pagsuot mo ng face mask at tama ang uri ng mask na iyong gagamitin, 70% na mababawasan ang tsansa na ikaw ay magkasakit. Ang mga face mask na gawa sa tela ay hindi masyadong pumipigil sa pagpasok ng mikrobyo sa ilong at bibig, kaya hindi ito inirerekomendang suoting mag-isa. Maaari ang cloth mask na gamiting pang double mask o pangpatong sa ordinaryong disposable surgical mask. Pinakamagandang gamitin pa rin ang mga N95, o KN95 para sa inyong proteksyon.
***
Ngayong marami na namang nagkakasakit dahil sa Omicron, kailangan tayong magdoble-ingat para maprotektahan ang ating mga tahanan, lalo na ang ating mga anak. Nang dahil sa aming pinagdaanan noong nakaraang taon,ilan sa aking mga natutunan ay ang kahalagahan: ng pagiging kalmado; armado ng tamang impormasyon (tutukan ang aking Instagram, Facebook, at Twitter accounts para sa tama at makabuluhang health information); may maaliwalas na disposisyon; at matibay na pananampalataya at dasal sa Panginoon para sa Kanyang gabay.
--
Watch Pamilya Talk on Facebook, YouTube, and Kumu (@JingCastaneda – 6:00-7:00pm Monday, Tuesday & Wednesday). You can also follow my social media accounts: Instagram, Facebook, YouTube, Twitter, and Kumu. Please share your stories or suggest topics at [email protected].
- Latest