Less talk, less mistake? E di huwag nang magsalita
Less talk, less mistake, payo ni Confucius, bawas kibo, bawas mali. Tama naman, ang masyadong madaldal, napapahamak.
Ang pulitiko ay napaka-desente ang hitsura kung naka-coat and tie o barong Tagalog. Pero kapag nagsalita na, bistado ang totoong pagkatao, na ganid pala sa poder at pera.
May mga presidente na matapos ang picture taking ng Malacañang Press Corps, pinalalabas ng conference room lahat ng mamamahayag. Saka pa lang magsisimula ang Cabinet meeting. Ginagawa ‘yon hindi dahil may mga lihim silang tatalakayin. Ayaw nilang mabisto na puro bolahan at sipsipan lang ang naka-agenda.
May mga lider na hindi alam ang sariling kababawan. Dinadalasan pa kaysa lingguhan ang Cabinet meeting – sa maling akala na nailalabas niya ang talino. Hindi batid ng utak ang kakulangan.
May mga kriminal na nabibitag ng pulis dahil nagyabang sa inuman na siya ang nangholdap doon o pumatay dito. Nakakapagpadulas ng dila ang alak. In wine there is truth. Napapahamak ang sarili.
Kung less talk, less mistake, e di no talk, no mistake. ‘Yan ang personal motto ng isang senador nu’ng dekada-60. Kung hindi siya magsalita, wala siyang bulalas na mali, aniya. Kaya tahimik lang siya sa mga sesyon ng Kongreso, ayaw magtalumpati sa publiko, at tumatanggi sa press interviews. Hindi naman masasabing bobo ang senador na ‘yon. Mataas ang pinag-aralan niya, engineering sa tanyag na pamantasan.
Kung tutuusin, matalinong tao lang ang nakakabatid ng limitasyon ng kanyang utak. Problema nga lang ay hindi maiwasan ng pulitiko na bumokilya. Anang isa pang senador, ilapit lang daw sa kanya ang mikropono, dadaldal na siya. Hindi problema kung may laman o ampaw ang sinasabi, basta bigyan lang siya nang maraming minuto.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest