Opposition unification – scheme?!
Tila hindi nabigyan ng pansin ng mga kapatid namin sa industriya ang sinabi kamakailan ng kasalukuyang senador at presidential candidate Panfilo “Ping” Lacson.
Maaring ‘di sila interesado o sadyang ayaw lang nila bigyan ng pansin. Ayoko namang sabihin na hindi kaya o hindi ma-analis at mabigyan ng linaw.
Well, oo nga naman, masasapol kasi ‘yung kanilang manok. Si VP Leni Robredo ang target dito ni Sen. Lacson.
Sa isang tweet, lantarang sinabi ni Sen. Lacson na “scheme” lang daw ang ginawang pagkausap ng kampo ni VP Leni Robredo sa kanyang panig.
Kung ide-define ang salitang “scheme”— underhanded, patagong pamamaraan. Ibig sabihin, hindi tapat o may ‘di kanais-nais na balakin.
Ang inaatungal si Sen. Lacson, malaking problema ngayon ng mga kandidato ng oposisyon na hindi sila magkaisa.
Maaring para sa intelehenteng senador, magiging matagumpay ang unification o pagkakaisa ng oposisyon laban sa administrasyon sa pamamagitan ng tamang pamamaraan.
Halimbawa’y paglatag ng mga plano, transparent, malinaw, klaro at tapat. Pag-uusap ng prinsipyo ng bawat partido, programa, plataporma na kanilang ilalatag sa mga botante.
Tutal iisa lang naman ang kanilang kalaban, ang administrasyon o kaalyado ng administrasyon.
Kaso hindi, dahil ang pokus at matinding tinatarget ay doon sa lagi nilang tinatawag na talunang vice president, anak ng diktador, isauli ang mga “nakaw” sa kaban ng bayan at paghingi ng paumanhin sa mga biktima umano ng martial law.
Kasi si Bongbong Marcos, siguradong ipagpapatuloy ang mga programa ng administrasyon. Kaya para sa kampo ni VP Leni at ng mga oposisyon, delikado ‘to, dapat bantayan na ‘wag makabalik sa Malacañang.
Dito sila nagkakagulo. Lumalabas kasi na desperado ang kampo ni VP Leni sa usaping “opposition unification.”
Dahil desperado, nakakalimot na sa kanilang mga kilos at asal. Wala na ang kortesiya at respeto.
Kaya si Sen. Lacson, nainsulto sa harapang pagpipirata kay Sen. Tito Sotto na maging tandem ni VP Leni.
Uulitin ko ang depinisyon ng salitang SCHEME na ginamit ni Sen. Lacson – pagpaplano na ang layunin ay masama o may maling intensiyon.
- Latest