Lahat tayo nababalisa
Tama lang planuhin makarating sa airport 1 oras bago ang flight. Pero kalabisan magpaaga nang 4 na oras tapos maya’t maya uusisain ang ground attendant kung hindi ba atrasado ang eroplano. Normal mag-alala sa deadline sa opisina. Pero nakakagulo kung ang takdang araw at oras na lang ang nasa isip imbes na ang mismong trabaho. Natural mag-atubili sumuong sa bagong relasyon matapos kaliwain ng dating kasiping. Pero nakakasama kung inuurirat ang bagong partner kung may tinatagpo siyang iba at sisisihin ang sarili kung kumalas siya.
Mga ehemplo ‘yan ng neurotic behavior, anang webmd.com. Dati tinuturing na mild na kahibangan ang neuroses. Pero ngayon ibinibilang ito ng mga doktor sa kategoryang anxiety disorder. Walang iba sa pagiging matatakutin sa dilim miski may kasama, o namumukod tangi sa magkakapatid na nandidiri sa butiki, o balisa na pumangalawa lang na pinaka-mataas na grado sa quiz sa klase.
Lahat umano ng tao ay may neurosis – bagay o sitwasyon na hindi lang medyo ikina-babahala kundi sobrang ikinababalisa.
Maraming neuroses na sanhi sa naranasan sa pagkabata. Sa gan’ung dahilan nagiging masyadong abala ang magulang sa paslit dahil baka may masakit na marinig o madama. Nagiging panukat ng matagumpay na pagmamagulang kung “perpekto” ang anak, anang 1843 Magazine. Pero sa labis na pagpuprotekta sa bata ay nagkakalamat ang pagkatao nito. Maaring hindi matuto ang anak dumesisyon para sa sarili, o mangahas sa bagong landas sa buhay, o makihalubilo sa ibang tao.
Gan’un lang talaga. Walang 100% na tama o mali. Hindi puro saya o lungkot. Miski beauty queen si nanay at genius si tatay may ikina-babalisa sila at ang anak. Walang exempted, prinsipe man o pulubi.
Ani theorist Karen Horney balisa ang tao sa: (1) apeksiyon at sang-ayon, (2) ipaubaya sa partner ang buhay, (3) restriksiyon sa buhay, (4) kapangyarihan, (5) paggamit sa kapwa, (6) katanyagan, (7) paghanga, (8) tagumpay, (9) kasapatan ng pangangailangan, at (10) kasarinlan.
- Latest