^

PSN Opinyon

Four Ps para sa mas positibong pananaw

KasamBuhay - Jing Castañeda - Philstar.com
Cleaning therapy
Kasabay ng pagiging maaliwalas ng kapaligiran ang paglinaw ng isipan.
cottonbro via Pexels

Mahilig akong maglinis at mag-ayos ng mga gamit, lalo na kapag stressed o problemado. Hindi ko alam kung bakit pero nakakagaan ng aking pakiramdam ang pag-aayos ng mga bagay at papeles, paglalagay nito sa mga box na may label at pagtatapon ng basura.

Tuwing ginagawa ko ito, na-re-relaks ako at parang lumilinaw ang aking isipan. Kasabay sa pagtapon ng mga papel sa basurahan, parang sumasama rin dito ang aking mga problema at iba pang negatibong mga bagay. Kaya pagkatapos nito, nagkakaroon ako ng panibagong lakas para harapin ang buhay.

Akala ko’y sa akin lang may ganitong epekto ang cleaning therapy. Pero noong nakausap ko si Dr. Joan Perez-Rifareal (Fellow, Philippine Psychiatric Association) sa aking online show na Pamilya Talk, nalaman ko na ang paglilinis pala ay isang epektibo at magaling na coping mechanism para malampasan ang mga krisis. Narito ang 4Ps para mas madali ninyong matandaan ang ilang tips para sa mas positibong pananaw ngayong 2021.

1. Pagtanggap na bahagi ng buhay ang stress

Hindi porke positibo tayo ay pilit nating itatago ang na tayo’y may stress, o magpapanggap tayo na okay lang tayo kahit hindi. Dumaraan tayo ngayon sa pandemya at lockdown na biglang nagbago sa ating buhay. Ang stress ay isang normal na reaksyon sa isang kakaibang sitwsyon. Ang pagtanggap nito ang unang hakbang kung paano natin ito malalampasan.

Tulad lang ito ng paglilinis. Itago mo man ang basura, kahit hindi mo ito nakikita, aalingasaw pa rin ito. Huwag mong hayaang mabulok ang itinatago mong emosyon, Ilabas mo ang iyong nararamdaman at humanap ka ng paraan para maalis ito sa iyong katawan.

2. Pagtutok sa sarili at sa kasalukuyan

Nakauubos ng lakas at gana sa buhay ang hindi pag-move-on mula sa nakaraan, ang grabeng pag-aalala para sa kinabukasan at masyadong pag-iisip sa mga problema.

Kung nahaharap tayo sa isang krisis, mahalagang mas ituon ang iyong atensiyon sa kasalukuyan at sa mga bagay na kaya mong gawin ngayon. Kailangan mong isipin kung ano ang kaya mong kontrolin, at alisin ang mga negatibong kaisipan na makakasira lang ng iyong diskarte. Gamitin mo ang iyong lakas sa mga bagay na mas positibo ang epekto at resulta.

Ganito ang ginagawa ng mga Japanese Buddhist monk sa pamamagitan ng isang uri ng meditasyon na tinatawag nilang soji, o mindful cleaning. Tuwing umaga, sila’y nagwawalis, naghuhugas, at naglilinis ng hardin. Para sa kanila, ang paulit-ulit na mga ritwal na ito ay parang prayer beads o mantra na nakatutulong para sila’y kumalma at tumutok sa kasalukuyan.

Maganda rin ang payo ni Shoukei Matsumoto, isang monk na sumulat ng best-selling book na “A Monk's Guide to a Clean House and Mind”. Payo niya, “Linisin ang screen ng inyong mga bintana na parang nililinis natin ang ating mga kaluluwa, para malayang makadaloy ang hangin.”

Hindi lang paglilinis ang puwede ninyong bersiyon ng soji. Puwede ring pagtatanim, pagluluto, paghuhugas ng plato o kaya’y baking. Ang mahalaga ay araw araw natin itong ginagawa sa umaga para masimulan natin ang ating araw na may malinaw na pag-iisip at may magaan na puso.

3. Paglaan ng lugar para sa bagong bagay at karanasan

Nakagawian ko na ang pag-general cleaning twice a year, lalo na tuwing patapos na ang taon. Para malinis, maaliwalas at, sabi nga nila’y fresh start. Inaayos ko ang lahat ng mga cabinet at mga gamit, at inaalam ko kung ano ang mga bagay na puwede nang itapon o ipamigay.

Pero minsan, nagdadalawang-isip din ako kung itatago ko pa ba ang mga bagay kahit hindi na ang mga ito magagamit. May sentimental value kasi. “Nanghihinayang lang ako. Sayang naman. Baka kailanganin ko iyan isang araw.”

Ang mga naipon kong media IDs na nakatago sa aking ‘baul’.


Natural na sa ating kumapit sa mga bagay na pamilyar, maging sa mga relasyon, mga nakasanayang gawain o kahit mga prinsipyo at paniniwala. Pero hindi man ang mga ito nakakasama sa atin, wala naman silang mabuting maibibigay. Dahil komportable na tayo, hindi na natin iniisip na sumugal o sumubok ng bagong mga bagay.

Bahagi ng buhay ang pagbabago at kailangan ito sa ating pag-unlad. Isa sa masasabi nating magandang idinulot ng pandemya ay napilitan tayong lumabas sa ating comfort zones. Maaaring nakakatakot at nakakapagod ito, ngunit maaaring ito rin ang pinaka-exciting na bahagi ng ating buhay.

Marami sa aking mga kaibigan na nawalan ng trabaho ay nagsimula ng matagumpay na mga negosyo o nagbalik sa pag-aaral para makakuha ng bagong kaalaman.

Dahil sa lockdown, nagkaroon tayo ng panahon sa ating mga pamilya. Sana nama’y nakatulong ang panahong ito para mas gumanda rin ang relasyon natin sa ating mga mahal sa buhay.

Napakahirap ng taong 2020 at lahat tayo ay nakaranas na mawalan ng mahahalagang bagay. Ngunit marami ring mga dumating na biyaya — oras sa mahal sa buhay, bagong oportunidad, at iba pang mga mahahalagang aral.

Kapag natanggap nating hindi pala masama ang mga pagbabagong ito, pasasalamatan pa natin ang kakaibang pag-asa na hatid nila.

4. Panibagong simula

Hindi maiiwasan na mayroon tayong masamang araw o hindi magandang mood, at kahit ano pang sabihin sa iyo na “think positive” ng ibang tao, hindi ito garantiya na magiging mabait sa iyo ang kapalaran.

Coffee mug begin
Kasabay ng pagiging maaliwalas ng kapaligiran ang paglinaw ng isipan
Danielle MacInnes via Unsplash


Ngunit isang bagay lang ang tiyak. Mayroon lagi tayong pagpipilian at laging may isa pang pagkakataon. Kahit ano ang mangyari, mayroon tayong pagkakataong tumayo at matuto mula sa ating pagkakamali at bumangong muli para magbago.

Linisin natin ang anumang kalat. Ayusin ang anumang gulo. Lagi tayong maaaring magsimula, hindi lang tuwing Bagong Taon, kung hindi sa bawat araw.

 

-------

Ipadala ang inyong mga kuwento, tanong o suhestiyon sa [email protected]. You can also follow my social media accounts: Instagram, Facebook, YouTube and Twitter.

 

CLEANING

CLEANING THERAPY

HOME ORGANIZATION

STRESS

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with