Tiklo ang tatay (Unang bahagi)
Ang normal na patakaran sa batas ay maaari lang tumestigo ang isang tao tungkol sa mga bagay na personal niyang nalalaman o mismong nakita o narinig. Itinuturing kasing “hearsay” at hindi tatanggapin na ebidensiya kung basta narinig lang mula sa ibang tao. Maliban na lang kung may pangyayari na naganap bago o pagkatapos ng insidente o ang tinatawag na “res gestae”. Ito ang ilalarawan sa kaso ngayon.
Ang kasong ito ay tungkol kay Gary Joaquin na hiwalay sa asawa at may tatlong taong gulang na anak. Nakatira at kasama nila sa bahay si Lola Salve na lola ng kanyang misis at nag-aalaga kay Ben, pati na rin ang boy na si Berto.
Isang umaga, dakong alas onse, itinakbo sa ospital si Ben karga ni Berto at sinusundan ni Lola Salve. Namamaga ang mukha ni Ben at puro pasa, puno rin ng tuyong dugo ang katawan na parang nasagasaan ng trak ayon sa nars na nagbigay ng paunang lunas sa biktima.
Paulit-ulit na sinasabi ni Lola Salve sa pagitan ng pag-iyak na pinatay ng sariling ama ang bata. Kinukuwento ng matanda sa mga tao sa ER na ayaw payagan ng tatay na si Gary na sumama sa kanya ang bata. Nang umiyak daw ang bata, walang awang binugbog ni Gary, tinalian sa kamay at gumawa ng mga tusok sa katawan nito. Dahil sa mga bugbog, lumabas na raw ang dumi sa puwet ng bata pero sinaktan pa rin ng ama.
Ang malambot na katawan ni Ben na dala ni Berto kasunod si Lola Salve ay nakatawag sa pansin ni Ria Medina, isa sa mga tao sa ER. Sinigawan ni Berto si Lola Salve na, “Hoy tigil ka na, wag kang maingay” sabay sabi sa mga tao sa ER na “sira ang ulo ng matanda eh”. Pero tuloy pa rin sa pagsasalita ni Lola Salve, “Putang ina ang ama niyan, hayop siya”. Hindi nagtagal dineklara ng doktor na patay na si Ben. (Itutuloy)
- Latest