^

PSN Opinyon

Sumbong (Unang bahagi)

IKAW AT ANG BATAS! - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

Isa na naman itong kaso ng pagpatay ng tao na hindi nasaksihan ng kahit sino. Pero sa kasong ito, nakapagsumbong pa ang biktima sa kung sino ang sumaksak sa kanya at nakagawa pa nga ng salaysay kung paano siya nasugatan bago tuluyang nalagutan ng hininga. Ginawa ng biktima ang salaysay sa harap nang maraming testigo kabilang na ang huwes sa lugar. Ang isyu lang ay kung sapat na ba ang salaysay ng biktima pati testimonya ng mga testigo na nakarinig nito kasama ng iba pang ebidensiya para madiin sa kaso ang akusado? Ngayon ay malalaman din kung dapat panagutan ng akusado ang pagpatay sa biktima na kanya lang sinugatan pero tuluyang namatay sa kabila ng lakas ng katawan nito at estado ng kalusugan.

Ang insidente ay nangyari isang gabi sa may pueblo. Nakarinig ng mga sigaw, pag-iyak pati paghingi ng tulong si Roger na isang residente roon. Agad na sumaklolo si Roger at natagpuang  duguan na nakahandusay sa lupa ang kanyang kapitbahay na si Jerry. Agad na ipinagtapat ni Jerry na ang Ninong Abel daw ni Roger ang sumaksak sa kanya. Katunayan nga ay nakita naman ni Roger sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang kanyang ninong. Nagma­kaawa si Jerry kay Roger na dalhin siya sa munisipyo at doon nga sila pumunta.

Nang mangyari ang pananaksak ay may dalawang pulis na off-duty na nagdaan sa parehong kalsadang pinangyarihan ng krimen. Narinig din nila ang mga sigaw pati ang salitang may pinatay daw. Nang puntahan nila ang pinagmumulan ng ingay ay palabas naman doon si Abel at patu­ngo sa isang eskinita. Pinahinto ng mga pulis ang lalaki para tanungin sa nangyari pero hindi sila pinansin at lalo pang binilisan ang paglalakad.

Hinabol siya ng mga pulis pero nang aabutan na, bigla­ siyang humarap sa kanila at iwinasiwas ang hawak na kutsilyo na puro dugo. Tinakot niya ang mga pulis na huwag­ magtangkang lumapit sa kanya sabay takbo sa isang kalsada na ang nasa dulo ay puro tanim na nipa. Dahil nga off-duty at walang dalang mga armas ay minabuti ng dalawang pulis na bumalik sa munisipyo at humingi ng tulong sa mga kasamahan. Tatlong kasamahan nila ang humabol kay Abel. (Itutuloy)

BATAS

JOSE SISON

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with