Manggagawa ng daigdig, labanan ang isa’t isa
“MANGGAGAWA ng buong daigdig, magkaisa; walang mawawala sa inyo kundi ang inyong mga tanikala,” panawagan nina Karl Marx at Friedrich Engels sa Communist Manifesto nu’ng 1848. Mula noo’y pinag-aaralan ng mga ekonomista ang relasyon ng mga manggagawa sa iba’t ibang bansa sa yaman o hirap. Malimit itanong kung ang murang angkat mula sa bansang mababa ang sahod ay nakakasakit sa manggagawa sa bansang mataas ang sahod. Karamihang sagot doon ay oo.
Nu’ng dekada-1930 inulat ni trade economist Gottfried Haberler na walang dapat ikabahala ang uring manggagawa sa kalakalang mundo sa pangmatagalan. Kasi raw kailangan ng labor sa lahat ng bansa kaya lagi indemand. Sumasabay sa agos ang manggagawa: Lumilipat, nagbabago ng linya. Ang mga baguhan ay pumapasok sa mga bago imbis palubog na industriya. Sa huli, bumibili rin ang manggagawa ng mga angkat na produkto sa lokal na tindahan. Maski mahila pababa ng murang angkat ang sahod nila, mas marami silang nabibiling mura, kaya lamang pa rin.
Kinontra si Haberler nina Wolfgang Stolper at Paul Sa-muelson ng Harvard. Anila ang kompetisyon mula sa bansang maraming laborers (tulad ng China) ay nakakasama du’n sa konti (Europe, America). Mas nagpapababa ng sahod kaysa bilihin ang pag-alis ng tariff sa murang angkat.
Ikinumpara nila ang sakahan na matindi ang gamit sa lupa, sa paggawa ng relos na matindi sa labor at may 10% taripa. Kung alisin ang taripa, mumura ang relos nang 10%, magle-layoff sa pabrika ng relos, mababakante ang lupa. Mumura ang sahod at upa sa lupa. Pero sisigla ang nagtatanim, na sasamantala sa murang sahod at lupa. Uupa sila ng mura dahil sobrang labor at lupa. Mumura rin ang sahod sa sakahan. Magkaka-demand nang konti sa pagbili ng relos. Pero pareho nang nahila pababa ang sahod sa paggawa ng relos at sa sakahan. Mas marami pa ring masasaktan na manggagawa ng relos kaysa sa sakahan. ‘Yan ang rason sa galit ni US President Donald Trump sa produktong Chinese.
* * *
Makinig sa Sapol, pansamantalang nilipat tuwing Biyernes, 10:00 a.m. – 12:00 nn, DWIZ (882-AM)
- Latest