Tanging Diyos ang pag-asa
Sabi ng Salita ng Diyos, lahat ng nagaganap ay may mabuting pakay sa mga taong nananalig sa Diyos. Ngunit anong kabutihan ang napapala natin sa sitwasyong may epidemya sa buong daigdig at araw-araw ay dumarami ang namamatay?
Lahat ay sinasaklot ng pangamba at takot at limitado ang pagkilos upang mapigilan ang mabilis na pagkalat ng karamdaman. Lahat ng aktibidad, pati hanapbuhay ay paralisado at hindi batid ng tao kung may kakainin pa siya bukas o kaya’y kung siya ay madurugtungan pa ang buhay.
Anong kabutihan ang mapapala natin, tanong ng isang kaibigan. Nag-isip ako. Bakit nga ba nangyayari ito? Marahil, marahil lang, lubha na tayong nalayo sa ating pananampalataya sa buhay na Diyos na dapat ay bigyan ng unang puwang sa ating mga puso.
Lahat ay naging abala sa kani-kanilang gawaing nauukol sa kanilang propesyon. Bagaman’t sinasabi ng ating labi na tayo‘y mga mananampalataya, ang masaklap na katotohanan ay mas pinapahalagahan natin ang ating mga sari-sariling gampanin na ang pinakalayunin ay ang pagkita natin ng salapi o pagtatamo ng katanyagan at kapangyarihan. Nakakalimutan na natin ang Panginoong Diyos na siyang nagbibigay sa atin ng talento upang magampanan ang bawat nais nating gawin.
Sa politika, banganyan dito, bangayan doon ang nangyayari. Abala ang tao sa paggawa ng masama na ang inaalintana ay pansariling kapakanan lamang. Ang sabi sa 2 Kronika 7:14 “Kung ang aking bayan ay magpapakumbaba, mananalangin at hahanapin ako, kung ang tao ay magsisisi at tatalikod sa kasalanan, maririnig ko sila sa langit, patatawarin at pagagalingin ko ang kanilang bayan.”
Totoong virus ang pinagmumulan ng sakit. Ngunit ang taong tunay na mananampalataya at sumusunod sa kalooban ng Diyos ay hindi kayang igupo ng ano mang karamdaman o kapahamakan sapagkat siya ay protektado ng Dugo ng Panginoong Jesus at hindi siya puwedeng salingin ng diablo.
Kaya ang buting ibinubunga ng krisis na ito ay ang muling paglapit ng marami sa Panginoong Diyos upang magsisi at magbalik-loob sa kanya. Tandaan natin, habang tayo ay nasa silong ng pangangalaga ng Amang Diyos, hindi tayo mapapahamak.
- Latest