Maling akala
(Huling bahagi)
ILANG araw pagkatapos ng insidente, sinulatan ni Noemi si Melanie. Hinihingan niya ng sulat ng paghingi ng paumanhin ang babae na ipapaikot sa mag-asawa at sa mga kaanak, bisita at kaibigan para malinis ang nadungisan niyang reputasyon. Hindi nag-abalang sumagot si Melanie kaya nagsampa ng reklamo sa RTC si Noemi para humingi ng danyos perwisyo (actual, moral, exemplary damages) pati bayad sa abogado o attorney’s fees.
Itinanggi ni Melanie na may sinabi siya sa madla na paratang kay Noemi. Hindi rin daw niya pinagdiskitahan ang babae. Labas na raw siya sa kung anuman ang nangyari matapos mag-umpisa ng kanilang imbestigasyon ang mga pulis. Hiningi niya na ibasura ang kaso at nagsampa ng kontra demanda para humingi ng danyos sa pamamagitan ng counterclaims.
Binasura ng RTC ang kaso at sinabing ginagawa lang ni Melanie ang karapatan niya. Kung sakali man daw at nasaktan si Noemi ay hindi naman niya intensiyon na manakit. Damnum absque injuria sa Latin kung tawagin.
Nang umapela si Noemi sa Court of Appeals, nabaliktad ang desisyon sa kaso. Malinaw daw napatunayan ni Noemi na pinag-initan at pinahiya siya ni Melanie sa harap nang maraming tao dahil siya lang ang pinagbintangan ng babae sa nawawalang alahas sa pag-alis niya ng kuwarto.
Ayon sa CA, ang basehan ng paghingi ng danyos ni Noemi ay hindi ang pagkapkap sa kanya ng mga pulis o kahit ang naging interogasyon sa kanya kundi ang akusahan siya sa harap ng publiko sa pagkuha niya ng alahas ni Melanie na ginawa ng may malisya at masamang hangarin.
Kinatigan ng SC ang desisyon ng CA. Para raw makahingi ng danyos, may karapatan na hinahabol para sa kamalian na ginawa at malinaw na naperwisyo ang biktimang nagsampa ng reklamo. Ang pagkakamali na walang naging pinsala ay hindi sapat na basehan ng reklamo.
Sa parte ni Melanie, hindi kailangan na kung anu-anong masasakit na salita pa ang sinabi niya kay Noemi. Walang nakaaalam na nagpasok siya ng ganoon kamahal na alahas sa banyo ng hotel room at nakalagay lang daw sa papel na supot ang mga iyon. Wala siyang karapatan na atakihin si Noemi gamit ang kanyang mga patutsada.
Sa ginawa niyang pag-akusa kay Noemi sa harap ng mga bisita dahil sa paglabas nito sa kuwarto at sa pag-utos na kapkapan siya ng mga pulis, malinaw na pinagbintangan na magnanakaw ni Melanie ang pobreng wedding coordinator.
Malinaw na sinaktan ni Melanie ang damdamin ni Noemi at labag sa kagandahang asal ang ginawa niyang akusasyon. Hindi siya kumilos ng ayon sa nararapat na hinihingi ng batas (Art. 19 in relation to Art. 21) kaya tama lang na magbayad siya ng danyos (moral damages) sa halagang P100,000.00 pero hindi ng actual damages na hindi naman napatunayan (Carpio vs. Valmonte, G.R. 151866, September 9, 2004).
- Latest