Electoral protest matagal, masalimuot
SA isyu ng bangayan nina Bongbong Marcos at VP Leni Robredo, nasa bingit ng alanganin ang bansa. Huwag naman sanang may mangyaring hindi mabuti kay Presidente Duterte, malamang magkaroon ng krisis kung sino ang papalit sa kanya sa puwesto dahil under protest and posisyon ng Vice President at tila malabo ang posibilidad na maresolba pa ang usaping ito.
Wala pang pinal na desisyon ang Mataas na Hukuman na umaakto bilang Presidential Electoral Tribunal (PET). Napakahabang proseso nito.
Ngayo’y nagiging dahilan ng political division sa mga mamamayan ang protesta ni dating Senador Marcos na nag-aakusang dinaya siya ng nakaupong Vice President. Wala pa ring pinal na desisyon ang PET kung sino sa kanila ang tunay na nagwagi.
Sa ganitong laban, kailangan ang limpak-limpak na halaga ng salapi dahil ang recount ay isang prosesong ginagastusan ng pera. At komo si Marcos ang kumukuwestyon sa resulta ng eleksyon, siya ang bumabalikat sa malaking bahagi ng gastusin. Kunsabagay, mayaman si Marcos para masustine ang ganito kagastos na proseso.
Mantakin mo na kakailanganin ang muling pagbibilang ng mga balota sa buong bansa kung ang pinagta-talunan ay national position, tapos ang mga nagprotesta at ipinoprotesta ay binibigyan pa ng tsansa na magkomento sa bawat cause of action na pinaguusapan. Parang walang katapusan ang palitan ng mosyon ng magkatunggaling panig. Bihirang magkaroon ng tagumpay ang mga nagpoprotesta.
May resulta na umano ang recount sa tatlong pilot provinces na ayon kay Marcos ay talamak ang dayaan pero ayaw pa ring ilabas ng PET ang resulta. Mayroon na ring go-signal ang Korte Suprema na ilabas ang resulta nito. Pero ilabas man, hindi nangangahulugan na tapos na ang ang protesta dahil tiyak na magkakaroon pa ng palitan ng mga argumento at mosyon ang dalawang panig.
Magugunita natin na nang unang maluklok sa puwesto bilang Senador si Koko Pimentel matapos manalo sa protesta laban kay Migz Zubiri, kaunting panahon na lang ang ipinamalagi niya sa puwesto dahil matagal bago magdesisyon nang pabor sa kanya. Ngunit sa puwestong pinaglalabanan nina Marcos at Robredo, duda ako kung mangyayari ang ganito. Anyway, naniniwala ako na hindi na dapat patagalin ng Korte ang pagpapalabas na final verdict para matuldukan ang namumuong matinding political crisis sa bansa.
- Latest