Subukan muna ang crazy idea
MAY proposal si Caloocan Representative Edgar Erice na ipagbawal ang lahat ng pribadong sasakyan sa EDSA para mabawasan ang trapiko sa naturang pambansang lansangan. Pansamantalang remedyo lamang daw ito, ani Erice habang itinatayo pa ang mga kinakailangang imprastruktura na magbibigay ng permanenteng solusyon sa problema.
Tinawag ni Senate President pro-tempore Ralph Recto ang idea ni Erice na kahibangan o “crazy idea.” Marahil, nag-iisip lang si Erice ng mabilis na paraan para mabawasan ang masikip na trapiko sa EDSA na sa paglipas ng mga araw ay lalong naglulubha.
Hindi natin mababatid ang tunay na epekto nito kung hindi muna susubukan. Ngunit tama rin naman ang mga concerns ni Recto. Nagbabayad ng road users tax at kung anu-ano pang buwis ang mga motorista tapos pagbabawalang gumamit ng kalsada? Looks unfair. Isa pa, saan padaraanin ang napakalaking volume ng mga pribadong sasakyan lalo pa’t nasa EDSA mismo ang kanilang mga tanggapan na pupuntahan?
Halimbawa, kung ako ay nagtatrabaho bilang executive sa SM North Mall na nasa EDSA at ako ay taga-Maynila, paano ko maiiwasan ang pagdaan sa EDSA?
Kung pagagamitin ng alternate roads ang mga private vehicles, sa rami ng bilang ng mga ito ay para mo lang inilipat ang problema sa ibang lugar.
Sabi naman ni Senate President Tito Sotto, mukhang hindi pinag-isipan ni Erice ang kanyang proposal. Huwag namang tuligsain si Erice na naghahangad lang na masolusyunan ang problema. Maraming imbentor na henyo ang sa una’y tinawag na baliw pero sa kalaunan ay napatunayang workable naman pala ang mga imbensyon.
Minsan, may mga idea na sa unang sulyap ay mukhang kahibangan pero kapag nasubukan ay puwede naman pala. Siguro, kung maglalaan ang MMDA ng dalawang araw para ipatupad ang suhestyon ni Erice, mababatid kung ito ay feasible and workable. Bakit nga hindi?
Pero kahit ako ay may pagdududa sa epekto ng panukala ni Erice, gayunman wika nga, we must always give the benefit of the doubt to any idea. Para sa akin, ayos na ang add-even scheme na ipinatutupad, dagdagan lang ito ng maayos na implementasyon ng trapiko at pagtanggal sa mga nakahambalang na sasakyan kung saan saan dahil sa ilegal parking. At may utos na si Presidente Duterte sa lahat ng alkalde sa Metro Manila na tanggalin ang mga ganyang obstructions at kung hindi, sila ang matatanggal.
- Latest