Mainam ang ROTC sa college, hindi HS
REPASUHIN sana ng 18th Congress ang panukalang ROTC (Reserve Officers Training Corps) sa Grades 11 at 12. Tungkulin ng bawat Pilipino ang sumailalim hindi lang sa military training kundi pati sa kaayusan at sakuna. Halimbawa, para sa katahimikan sa eleksiyon o rescue sa baha. Saad sa Konstitusyon na maaaring ipatawag ng gobyerno ang mamamayan para depensahan ang estado, at para dito ay dapat personal na magserbisyo militar o sibil. Pero nanganganib ang ROTC kung sa senior high school. Mainam kung isakatuparan ito sa college.
Mahalaga rito ang edad. Ang mga Grades 11 at 12 ay 16-17 anyos lang, o menor de edad. Ang mga freshmen at sophomore sa college o vocational courses ay 18-19 na taong gulang, o edad ng mayorya.
Nu’ng 2002 ginawang kusa na lang ang ROTC. Sumunod na taon lumagda ang Pilipinas sa Optional Protocol on Children Involved in Armed Conflict, o OPAC. Bahagi ito ng UN Convention on the Rights of the Child. Binawalan ng OPAC ang mga pumirmang bansa na sapilitang pasilbihing militar ang mga menor de edad. Inatasan ang mga gobyerno na parusahan ang mga lumalabag. Kaya kinukulong ang mga rebeldeng komunista, separatistang Moro at terorista na mag-recruit ng mga bata.
Ang pakay ng ROTC ay maging reservist ang mga graduates ng training. Walang exemption: babae o lalaki, matipuno o may kapansanan. Saad sa Reservists Act na dapat 18 anyos-pataas ang recruit.
Kapag nagtapos ang Grade 12 student ng ROTC sa Marso ng school year ay 17-anyos pa lang siya. Hindi siya maaaring mag-enlist na reserba o regular na sundalo hanggang hindi siya 18. Sayang lang ang training kung hindi siya mamomobilisa para sa depensa ng teritoryo kontra sa manlulupig o tumulong sa kaayusan at sakuna. Tinatayang P52 bilyon ang magagasta sa ROTC training ng Grades 11 at 12 taun-taon, pero hindi sila mapapakinabangan. Pero kung sa college, husto sila sa gulang, 18-19 na, para pagsilbihin sa bayang minamahal.
- Latest