EDITORYAL - Linisin sa solvent boys ang mga kalsada

NAGKALAT ngayon ang mga solvent boys sa mga kalsada sa Metro Manila. Bukod pa ito sa mga Badjao o mga “batang hamog” na umaakyat sa mga delivery truck. Ang solvent boys ay mga batang sumisinghot ng rugby, paint thinner at iba pang katulad nito. Kadalasang sa silong ng LRT, MRT at flyover sila umiistambay at doon sumisinghot.
Noong nakaraang linggo, nag-viral sa social media ang panghaharang ng isang bangag na solvent boy sa isang babaing motorista sa Guadalupe Bridge sa EDSA at nanghihingi ng P100. Ini-upload ng mismong motorista ang nangyari matapos makunan ng dashboard camera.
Nakunan ang solvent boy na may hawak na bato at nagbantang babatuhin ang kotse ng motorista kapag hindi nagbigay ng pera. Binuksan ng motorista ang bintana at inabutan ng barya ang solvent boy pero nagmatigas ito na P100 ang ibigay sa kanya. Walang ganoong halaga ang motorista kaya ipinasyang isara na ang bintana pero nailusot ng solvent boy ang kamay sa bintana. Nagbanta ito na babasagin ang salamin kapag hindi nagbigay ng P100.
Naisara rin ng motorista ang bintana makaraang alisin ng solvent boy ang kamay. Pero naging marahas ang solvent boy at pinukpok ng bato ang tagiliran ng kotse na nagresulta sa pagkayupi nito. Pinabilis ng motorista ang kotse at ipinasyang magsumbong sa traffic enforcers sa di kalayuan. Pinuntahan naman agad ang inireklamong solvent boy pero hindi na ito inabutan. Makalipas ang dalawang araw, naaresto ang solvent boy at inamin na siya nga ang nanghihingi ng pera sa Guadalupe Bridge. Ipinagkatiwala sa DSWD ang solvent boy.
Ilang araw ang nakalipas, may ganito ring katulad na insidente sa Osmeña Highway sa Maynila. Mga solvent boys din ang nambabato at naghahagis ng dumi ng tao sa mga motoristang ayaw magbigay ng pera.
Matagal nang nangyayari ang ganito sa mga kalsada. Mayroong pangyayari na isang jeepney driver ang kinuyog sa may Bonifacio Drive sa Maynila. Mga batang sumisinghot ng rugby ang nagtulung-tulong para agawin ang kinita ng driver. Mabilis na umakyat ng jeepney ang mga batang rugby at pinagsusuntok ang driver at kinuha ang kita nito.
Hindi lamang sa Maynila o Makati nangyayari ang ganito kundi sa maraming lansangan sa Metro Manila. Nararapat kumilos ang DSWD para hindi na maulit ang mga pangyayari. Magkaroon ng kampanya sa pagdampot sa mga solvent o rugby boys. Katulungin ang PNP at MMDA para madaling maalis sa kalsada ang mga batang ito. Maaaring hindi lamang pagnanakaw ang gagawin ng mga ito kapag hindi nasawata – baka pumatay na sila ng motorista.
- Latest




















