Mga dayuhan, limitado sa 14 na trabahong ito
MATAGAL nang batas ito. Limitado ang mga dayuhan sa 14 uri ng trabaho sa Pilipinas. Ito ay ang mga:
(1) atleta, coach, trainer, at assistants; (2) international performers na may katangi-tanging abilidad; (3) artists, performers, at alalay na babayaran ng fees; (4) service suppliers na panandaliang magseserbisyo at hindi para pangmatagalang suweldo sa Pilipinas maliban sa aktwal na panggastos; (5) treasure hunters na may pahintulot ng gobyerno;
(6) movie at television crew; (7) mamamahayag; (8) trainees na tinalaga sa mga ahensiya ng gobyerno o pribado; (9) researchers, lecturers, at iba pang trabahong pang-akademya; (10) misyonaryo;
(11) commercial models; (12) chefs; (13) consultants; at (14) professionals mula sa mga bansa kung saan maari rin mag-praktis ang mga Pilipino, o walang katumbas na specialization sa Pilipinas.
Malinaw dito na hindi puwede ang mga dayuhan maging tindera sa mall, trabahador sa construction, o bodyguard ng VIPs. Pero maari ang mga Mandarin translators na tagataya ng pusta at iba pang maselang tungkulin sa online gaming industry.
Tinatayang 138,000 Chinese na nasa gan’ung trabaho ang nasa Kamaynilaan. Karamihan sa kanila ay may panandaliang Special Work Permits mula sa Bureau of Immigration. Iilan lang ang kumuha ng pangmatagalang Alien Employment Certificates mula sa Dept. of Labor and Employment. Dapat ipinagbabayad sila ng buwis ng mga kompanyang nagdala sa kanila sa Pilipinas.
Epektibo nang anim na buwan ang SWP; hindi puwede ang dating estilo na aalis makalipas ang anim na buwan at babalik na may bagong SWP. AEC ang para sa mas mahabang espesyal na trabaho or serbisyo.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest