EDITORYAL - Daming kompanya na lumalason sa Manila Bay
MARAMING kompanya na malapit sa Manila Bay ang lumalabag sa batas sa pagtatapon ng kanilang dumi. Malalaking kompanya ang mga ito pero walang sewage treatment plant na isa sa requirements para masigurong hindi marumi ang iniluluwa sa lawa. Dahil walang STP, lahat ng dumi ay direktang bumabagsak sa isang estero at mula roon, iluluwa naman ito sa Manila Bay. Nang suriin ng DENR ang kalidad ng tubig ng Manila Bay, umaabot na sa 330 milyon ang fecal coliform sa tubig nito. Ibig sabihin, talagang napakarumi ng Manila Bay at hindi na puwedeng pagliguan. Tuwing summer, maraming naliligo sa Manila Bay at wala silang kaalam-alam na ang kanilang sinisisid ay pawang dumi na delikado sa kalusugan.
Nang unang inspeksiyunin ni Cimatu ang mga estero na nakasubo sa Manila Bay, nagbabala na agad siya sa mga establisimento at kompanya na lumalabag sa Waste Water Act. Una na ngang binantaan ang Manila Zoo at makaraan ang ilang araw, pinasara na niya ito.
Noong Huwebes, apat pang establishments ang pinasara ni Cimatu, makaraang mapatunayan na lumalabag sa batas. Ayon kay Cimatu, lahat ng dumi ng apat na establishments ay itinatapon sa Manila Bay. Una nang naghain ng reklamo sa apat na establishments ang Laguna Lake Development Authority (LLDA).
Ang apat na kompanya na ipinasara ay ang Philippine Billion Real Estate Development Corp. na nasa Roxas Blvd., Pasay City; HK Sun Plaza na nasa Roxas Blvd. Pasay City; Tramway Bayview Buffet Restaurant na nasa Roxas Blvd. Pasay City at ang D. Circle Hotel sa M.H. Del Pilar St. Malate, Manila.
Ayon kay Cimatu, dapat maitama ng mga nabanggit na establishments ang kanilang violations at saka pa lamang sila makapagpapatuloy sa operasyon. Kaya ang babala ni Cimatu sa iba pang nagluluwa ng lason sa Manila Bay, magkaroon ng sariling STP para masigurong hindi dumi ang itinatapon nila sa dagat. Isara na ang mga kompanyang lumalabag para mabawasan na ang mga lumalason sa makasaysayang lawa ng Maynila.
- Latest