PITX maganda ang layunin, palpak ang implementasyon
MAGANDA ang layunin ng bagong P32.5 bilyong Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) kaso, nagkakaroon ng kalituhan sa paggamit nito. Kaya ang hirit ng Senado sa mga ahensyang pangtransportasyon ng gobyerno: “get your act together” sa kapakanan ng mga mananakay.
Layunin ng PITX na lutasin ang pagsisikip ng traffic sa Metro Manila. Makakapaghatid ito ng modernong serbisyo sa mananakay. Mayroon itong multi-modal connections, para sa 200-libong pasahero kada araw. May malawak din itong commercial option na makapagbibigay ng revenue sa pamahalaan at makakalikha ng dagdag na trabaho sa mga Pinoy. Magsisilbi ito sa mga pasahero mula Cavite at Batangas na tutungong Metro Manila, at pabalik. Mabibigyan sila ng kaluwagan sa paglipat sa ibang masasakyan tulad ng mga jeepney at ibang PUJ. Sabi Mismo ni Pres. Digong nang pasinayaan ito kamakailan “I am impressed and proud.”
Ngunit hindi masaya ang mga mananakay. Bababa kasi sila sa PITX na walang alternative transport para dalhin sila sa ibang dako ng Metro Manila. Umaangal din ang maliliit na bus company dahil ang mga malalaking kompanya ay pinapayagan na makabiyaheng diretso sa kanilang destinasyon sa ibang panig ng Metro Manila mula sa PITX, gayung ang distansya ng kanilang ruta ay katulad din ng sa mga provincial buses.
Pinagpapaliwanag ni Sen. Grace Poe ang Department of Transportation at LTFRB kung bakit may 300 provincial buses ang bigla na lang binigyan ng permiso para makabiyahe ng diretso sa ibang destinasyon. Yung ibang maliliit na kompanya, hanggang PITX lang.
Maling-mali nga naman na sa huling oras, magbabago ng polisiya kaugnay sa paggamit ng PITX. Kaya sumbat ng Senadora sa DOT at LTFRB, “kasalanan ninyo yan!” Dapat daw kasi, sa simula pa ay antimanong pinaabangan na sa mga city buses para maihatid sa ibang dako ng Metro Manila.
Pangako ni Poe, kahit pa Christmas o New Year, handa siyang magpatawag uli ng hearing na dapat daluhan mismo ni Transportation Sec. Art Tugade para magbigay ng paliwanag. Ummm, bakit nga ba may special favor?
- Latest