EDITORYAL - Panawagan sa DSWD: Daming batang rugby!
KARANIWAN nang makikita ngayon ang mga batang palabuy-laboy sa kalye na nagso-solvent o nagra-rugby. Makikita silang nakikipagpatintero sa mga sasakyan habang hawak ang plastic na supot na may lamang rugby.
Noong nakaraang linggo, nag-viral sa social media ang video ng dalawang batang nagra-rugby habang nasa bubong ng isang tumatakbong taxi. Nagawang makasampa ng dalawang batang rugby sa bubong ng taxi at prenteng naupo roon. Lubhang delikado ang ginawa ng mga batang palaboy sapagkat maaari silang mahulog at masagasaan. Wala namang pulis o MMDA traffic enforcer na nakita sa lugar para sawayin ang mga batang rugby.
Hindi lamang sa EDSA gumagala ang mga batang rugby kundi maging sa Avenida Rizal, Recto Avenue, Taft, España Blvd., Macapagal Avenue, Commonwealth, North Avenue at iba pang lugar sa Metro Manila. Grupo-grupo sila kung gumala. Kadalasang natutulog sa island at maging sa silong ng LRT at MRT.
Ang mga grupo ng kabataang sumalakay sa mga pasahero ng jeepney sa Macapagal Blvd. ay pinaniniwalaang nagra-rugby. Nag-viral din sa social media ang insidente kung saan sinabunutan pa ng isang batang palaboy ang babaing pasahero. Umano’y nagalit ang mga palaboy na bata nang hindi ibigay ng pasahero ang bitbit nitong pagkain.
Isa pang insidente nang pagsalakay ng mga batang palaboy ay nangyari sa Taft Avenue makaraang pagtulungan nilang gulpihin ang isang matandang lalaki at inagaw ang bag nito.
Ngayong papalapit ang holiday season, inaasahang dadami pa ang mga batang kalye. Sapilitang aakyat sa mga dyipni at manghihingi at kapag hindi nabigyan, kung anu-ano ang gagawin. May pagkakataong nandudura at nagsasaboy ng kung anong likido ang mga batang ito.
Panawagan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), tutukan ang mga batang palaboy na parami nang parami sa kasalukuyan. Maging alerto naman ang PNP para mapigil ang ginagawang hindi maganda ng mga batang palaboy.
- Latest