Hindi inasahang pambabara
ANG intensyon sana ay magsilbi itong daan sa pagkakaisa nating Pilipino. Masisiguro raw ng pederalismo sa mga rehiyon ang kakayahang mapanday ang kanilang kapalaran. Kapag mas patas na ang kanilang ekonomiya, buong bansa ang makikinabang at yayaman. Uusbong ang awtonomiya ng mga rehiyon at ang kumpyansa ng kani kanilang mga residente. At hindi masasakripisyo ang integridad ng Pilipinas bilang bansa.
Sa ganitong kaseryosong ambisyon, kritikal ang malinaw at pulidong kampanya upang maging katanggap tanggap ang proyekto sa taong bayan. Ang pederalismo ay isang napakalalim at napakalawak na usapin. Maging ang mga eksperto ay nahihirapang umpisahan ang pagturo nito sa tao.
Ang akala nang marami ay masasagot na ng Lupong itinatag ng Pangulo – ang Consultative Committee on Charter Change (ConCom) – ang ganitong suliranin. Mantakin mo namang pawang mga dalubhasa ang itinalaga sa ConCom. Ang ekspektasyon ay makakabuo sila ng panukalang balangkas ng Saligang Batas na naglalaman na ng pinakamagandang anyo ng pagbabagong kakailanganin. Siempre umasa ang lahat na isang napakalinaw na pagpapaliwanag ng konsepto ng pederalismo ang ating makukuha.
Doon tayo nagkamali. Hindi pa man tayo nabigyan ng tsansang maka-komento, heto na ang mismong mga miyembro ng gabinete ni Pangulo na kinakatay nang husto ang panukala ng kanyang ConCom. Sa pagkabigla ng mga miyembro ng ConCom, nahingi tuloy nila ang pagbibitiw ng mga eksperto na pawang mga tinitingalang pangalan at pagkatao sa ating pambansang ekonomiya.
Mapait na leksyon ang nangyari sa pinaghirapan ng ConCom na panukala. Hindi nila masasabing may bahid ng pulitika ang kritisismo dahil ang mismong pangkat ng Pangulo ang nambara sa kanila.
Kung seryoso pa rin ang Malacañang sa paniwalang maganda para sa Pilipinas, lalo na sa mga probinsiya, ang pederalismo, huwag na maghanap ng iba pang magpapataw ng lunas. Mismong sina Sec. Dominguez, Pernia at Diokno na – ang mga walang nasabing maganda – ang paisipin ng kung papaano sasalbahin ang panukala. Kung 100% talaga ang paniwala nila sa kanilang Pangulo, sila na ang sumagot sa sarili nilang tanong.
- Latest

















