Demokrasya laos na ba sa mundo?
HINDI nakakagulat ang balitang walang demokrasya sa maliliit na bansa. Sa Nicaragua, halimbawa, binubunutan ng kuko ang mga nagpo-protesta. Sa ilang bansa sa Africa mga dynasties pa rin ang naghahari.
Ang nakakabahala ay kung ang malalaking bansa ang nagiging authoritarian. Malaki kasi ang impluwensiya nila sa iba pang bansa. Si Recep Tayyip Erdogan ng Turkey, na may pinaka-malaking army sa NATO, ay nag-martial law laban sa tangkang kudeta, tapos ipinakulong ang 200,000 oposisyon, mahistrado, mamamahayag, guro, at kleriko para “mahalal” na presidente habambuhay. Pinabago ni Xi Jinping ng China ang konstitusyon para palitan niya bilang presidente rin habambuhay ang kolektibong pamumuno ng Politburo ng Chinese Communist Party. Pinatanggal ni Vladimir Putin ang term limits sa Russia para paulit-ulit siyang maka-kandidato bilang presidente. Sa Venezuela lantarang dinaya ni Nicolas Maduro ang halalan sa tulong ng Korte Suprema, na nagbawal sa kandidatura ng dalawang malakas na kalaban. Pati sa United States niyuyurakan ni Donald Trump ang mga demokratikong palakad para lang masunod ang nais. At sa mga huling halalan sa France, Germany, at Great Britain ay malaking boto ang nakuha ng mga nag-adhika ng kamay na bakal.
“Nalalaos” ang demokrasya sa mundo. Makikita ito sa mga numero. Nu’ng 2017, 89 na bansa ang naging authoritarian, kumpara sa 27 na kumalas sa gan’ung kalakaran. Nu’ng 1941, World War II, 12 bansa lang ang demokratiko. Nu’ng 2000, 18 bansa na lang ang hindi nakakatikim ng halalan. Sa mga sarbey lumalabas na apat sa bawat limang mamamayan ay nais mabuhay nang malaya. Pero sa kabataan, lumalabas na sawa na sila sa kalayaang mamili ng personal, at nais nila ay sapilitang disiplina ng gobyerno sa indibidwal.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest