EDITORYAL- ‘No smoking’ campaign walang nangyayari
BAWAL ang manigarilyo sa mga pampublikong lugar gaya ng palengke, plaza, parke, bus terminal at ganundin sa mga pampublikong gusali o tanggapan ng gobyerno. Sa katunayan, nag-isyu na si Pres. Rodrigo Duterte ng Executive Order No. 26 na mahigpit na nagbabawal sa paninigarilyo sa mga publikong lugar. Hindi basta-basta makakapagsindi ng sigarilyo. Dapat sa mga lugar na pinahihintulutan lamang makakapagsigarilyo. Sakop din ng EO ang pagbabawal sa mga menor-de-edad na manigarilyo at magtinda ng sigarilyo. Inaatasan ang local government units (LGUs) na ipatupad ang pagbabawal sa paninigarilyo.
Pero hindi naipatutupad ang kautusan sapagkat marami pa rin ang naninigarilyo sa lugar na pinagbabawal. Mayroong government offices na nangangamoy yosi at nalalanghap ninuman ang mabahong amoy. Nakakasulasok ang usok ng yosi na delikado sa kalusugan. At kahit inaatasan ang mga pulis na arestuhin ang mga naninigarilyo, hindi nila ito magawa. Balewala ang kampanya ng pamahalaan na nagbabawal na manigarilyo. Sayang ang batas.
Ayon sa Department of Health (DOH), ang pagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar ay ipinatutupad upang makaiwas sa pagkakasakit ang mamamayan. Ayon sa report, ang second hand smoke ay matindi ang epekto sa mga nakalalanghap nito. Sa report ng World Health Organization (WHO), limang milyong tao ang namamatay taun-taon dahil sa paninigarilyo. Mas nanganganib ang mga bata sa loob ng isang bahay kung ang mga magulang ay naninigarilyo. Malaki ang tsansa na sila ay magkasakit.
Ayon sa DOH, ang mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo ay hypertension, heart attack, stroke, cancer, lung disease at chronic obstruction pulmonary disease (COPD).
Ang LGUs ang nararapat magpatupad ng kautusang ito. Sa katunayan, may city ordinance na ukol dito. Ang kailangan ay political will. Kumilos sana ang mga pinuno para maipatupad ang pagbabawal sa paninigarilyo. Iligtas ang mamamayan sa pagkakasakit dahil sa nalalanghap na second hand smoke.
- Latest