EDITORYAl - Saan pa bang lugar ligtas ngayon?

NAGDUDULOT ng pangamba sa mamamayan ang kabi-kabilang pagpatay sa iba’t ibang lugar sa bansa. Hindi lamang sa Metro Manila nagaganap ang pagpaslang kundi maging sa malalayong probinsiya man. Karaniwang mga riding-in-tandem ang nagsasagawa ng pagpatay at hindi sila nahuhuli. Ang nakapagtataka ay kung saan nanggagaling ang mga baril na ginagamit sa pagpatay. Kahit may gun ban dahil sa papalapit na barangay at SK elections, marami pa rin ang nagdadala ng baril. Kahit driver ay may baril at sa kaunting traffic altercation ay namamaril at napapatay ang nakagitgitan. Hamon sa Philippine National Police (PNP) ang nagkalat na baril na nagiging ugat ng mga krimen sa kasalukuyan.
Nakapanlulumo ang pagpatay kay Father Mark Anthony Ventura sa Gattaran, Cagayan noong Linggo. Katatapos lamang magmisa ni Father Ventura. Ayon sa mga nakasaksi, isang lalaki ang lumapit sa pari at pinaputukan ito sa ulo at dibdib. Tumakas ang lalaki at sumakay sa naghihintay na motorsiklo. Ayon sa parishioners, mabait ang pari at wala silang alam na kaaway nito. Nag-offer ang pamilya ng pari ng reward money para sa ikadarakip ng gunman. Blanko pa ang pulisya sa krimen.
Binaril din at napatay ang radio broadcaster na si Edmund Sestoso noong Lunes habang palabas sa tinutuluyang boarding house sa Dumaguete City. Si Sestoso ay dating chairperson ng National Union of Journalists in the Philippines. Blanko rin ang pulisya sa pagpatay kay Sestoso.
Sabi ng pamahalaan, ginagawa na nila ang paraan para maisilbi ang katarungan sa pagpatay kina Ventura at Sestoso. Nagsasagawa na umano ng imbestigasyon sa mga pagpatay. Kinukondena umano ng pamahalaan ang patayang naganap.
Pawiin ang pangamba ng mamamayan sa kabi-kabilang patayan. Lutasin sa madaling panahon ang mga pagpatay na ito. Hamon naman kay PNP chief Dir. Gen. Oscar Albayalde ang mga pagpatay na isinasagawa ng riding-in-tandem at ang pagkalat ng mga baril. Gumawa ng agarang aksiyon dito. Ipatupad ang pagsamsam sa mga baril na matagal nang pinag-uugatan nang madudugong krimen.
- Latest

















