Tepok sa trapik
(Huling bahagi)
MATAPOS ang paglilitis, napatunayang guilty si Javier dahil sa pamamaril ng pataksil. Kaya hinatulan siya ng death penalty sa pamamagitan ng lethal injection na noon ay pinapayagan pa ng batas. Pinagbabayad din siya ng korte ng P50,000 (civil indemnity), P3.3 milyon (nawalang kikitain ni Cecille), P98,000 (funeral expenses), P340,000 (hospital expenses), P150,000 (moral damages) at halaga ng asunto.
Nang umapela sa Supreme Court, binago nito ang desisyon ng mababang hukuman. Homicide lang daw ang sala ni Javier dahil sa pagkamatay ni Cecille. Hinatulan lang siya ng 8 taon, 1 araw hanggang 14 taon, 8 buwan at 1 araw na pagkakulong. Para naman sa pagkasugat ng mga batang sina Kurt at Andrew ay slight physical injuries lang at hatol na 20 araw na pagkakulong ang ipinataw. Pero pareho pa rin ang ipinababayad na monetary award kay Javier.
Ayon sa SC ay walang kataksilan o treachery sa pamamaril. Nagkataon lang ang nangyaring pagkikita nina Emman at Javier. Mga estranghero sila na nagkatagpo lang sa loob ng sementeryo matapos muntik magkabanggaan ang kanilang mga sasakyan. Walang treachery o kataksilan sa ganoong biglaang pagpatay na kasunod ng mainit na pagtatalo. Wala kasing oportunidad o pagkakataon ang akusado na pagplanuhang maigi ang kanyang pag-atake. Ang biglaang kilos ni Javier ay bunsod lang ng galit niya kay Emman na walang pakundangang nagmura at nang-insulto sa kanya. Dapat ay nag-ingat na ang biktima at ang kanyang mga kasama sa magiging pagganti ng akusado.
Idagdag pa na ipinakita ng mga litrato na tinted ang FX at hindi makikita agad ang mga pasahero mula sa labas. Inamin ni Javier na binanggit ni Emman na may mga kasama siya sa sasakyan habang nagtatalo sila at minumura siya nito. Pero sa bilis ng mga pangyayari ay hindi nagkaroon ng pagkakataon si Javier na makita ang mga pasaherong sakay ng FX nang iputok niya ang baril. Hindi rin napatunayan na sinadya niyang mang-agrabyado sa mga biktima. Kaya dahil walang treachery o kataksilan, ang krimen ni Javier ay homicide lamang (People vs. Gonzales, Jr., G.R. No. 139542, June 21, 2001)
- Latest