^

PSN Opinyon

Tepok sa trapik

IKAW AT ANG BATAS - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

(Unang bahagi)

SA tindi ng traffic sa Manila, hindi maiiwasan ang mga insidente ng “road rage” o away-trapiko dahil sa kawalan ng pasensiya ng mga tao. Ito ang nangyari sa dalawang motorista noong Undas.

Ang mga motoristang sangkot ay si Emman na isang dating OFW at si Javier na isang negosyante. Kasal si Emman kay Cecille na isang nurse, pero huminto sa trabaho dahil buntis ang asawa at planong bumalik na lang sa Saudi Arabia para roon magtrabaho pagkapanganak ni Cecille.

Nangyari ang insidente sa Memorial Park, noong bisperas ng Undas, bandang 2:30 ng hapon habang matindi ang traffic sa lugar. Parehong pa-exit na sina Emman at Javier sakay ng kani-kanilang sasakyan. Nagmamaneho ng FX si Emman kasama ang asawang si Cecille, anak na si Andrew, pamangkin na si Kurt at hipag na si Joy. Si Cecille ang katabi niya sa harap habang nasa likod sina Kurt, Andrew at Joy. Nagmamaneho naman ng kotse si Javier kasama ang apo at tatlong katulong.

 Sa kanto, habang pakaliwa si Emman papunta sa exit ay dire-diretso naman ang andar ni Javier kaya muntik na silang magkabanggaan. Mabuti at nakapagpreno si Emman pero si Javier ay nagtuluy-tuloy lang na parang walang nangyari. Binuntutan ni Emman ang kotse at nang magkaroon ng pagkakataon ay hinarang si Javier. Bumaba si Emman sa sasakyan at kinatok ang bintana ng kotse.  Matapos ang ilang segundo ay nangyari ang pamamaril na naging resulta ng pagkamatay ni Cecille at pagkasugat nina Andrew at Kurt.

Sinampahan ng patung-patong na kaso ng murder, double frustrated murder at attempted murder si Javier. Magkaiba ang mga bersyon ng kuwento nina Emman at Javier tungkol sa nangyaring insidente bago ang pamamaril. Sinalaysay ni Emman sa korte na kalmado lang niyang sinabi kay Javier na mag-ingat sa pagmamaneho. Itinanggi rin niya na galit siyang bumaba ng sasakyan pero dalawang testigo mismo ng prosekusyon na nakasaksi sa nangyari ang nagsabing inaway, sinigaw-sigawan at minura ni Emman si Javier dahil sa barubal nitong pagmamaneho.  Ang palaban na kilos/asta ni Emman sa korte ay halata at kitang-kita ng pamumula ni Javier. Malabo na mamula sa galit si Javier kung talagang nirespeto at hindi siya sinigawan ni Emman.

Sinabi pa ni Emman na nang mapansin niya ang galit ni Javier ay umalis na siya agad. Ayon sa kanya ay tapos na ang lahat. Iyon nga lang, nang pabalik na siya sa sasakyan ay nasalubong naman niya si Ted na anak ni Dino na nagmamaneho din ng sasakyan. Sila naman daw ni Dino ang nagkasigawan kaya dito na bumaba ng sasakyan si Javier dala ang isang baril (Glock 9mm automatic) at pinatamaan ang kaliwang bahagi ng bintana ng sasakyan ni Emman. Tumama ang bala sa noo ni Cecille  sa ibabaw ng kaliwang kilay samantalang tinamaan naman ng mga piraso ng bala ang mga mukha ng dalawang batang nasa loob ng FX. Namatay si Cecille nang sumunod na araw matapos makapanganak sa pamamagitan ng caesarian section. (Itutuloy)

MANILA TRAFFIC

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with