Mura, de kalidad na gamot dagdagan pa
MARAMI pa rin tayong mga mahihirap na kababayan, lalu na yung mga senior citizens ang umaangal dahil sa mataas na halaga ng medisina. Ang dahilan, hindi maayos na naipatutupad ang Republic act 9502 o universal and quality medicines act matapos ang siyam na taon sapul nang maisabatas ito noong 2008.
Ito’y bagay na ikinalulungkot ni Iloilo 4th district Rep. Ferjenel G. Biron na siyang umakda sa natu-rang batas. Bagamat may mga gamot nang ipinailalim sa batas na ito, marami pa rin ang hindi nasasakop.
Kaya isinusulong ng tagapangulo ng house committee on trade and industry ang house bill no. 3252 na lilikha ng price regulatory board na bubuuin ng 7 miyembro na pamumunuan ng kalihim o kinatawan mula sa DOH. Layunin din nito na susugan ang RA 9502. Ani Rep. Biron, ito ang pinakaepektibong paraan para pabilisin ang pagdagdag na mas maraming medisina sa mandatory drug retail price.
Aniya, nabigo ang Department of Health sa maayos na pagpapatupad ng batas. Hindi umano nagawa ng DoH na saklawin ng batas ang ibang pharmaceutical formulations sa mandatory regulation. Pinulong ni Biron ang congressional oversight committee sa cheaper medicine law sa Senado kasama ang kanyang senate counterpart na si senador Juan Miguel “Migs” Zubiri. Batay sa pahayag ng kinatawan ng DOH at iba pang inanyayahang grupo na, hindi nadagdagan ang 5 pharmaceutical formulations na isinailalim sa mandatory price regulations.
Kasi, bigo ang DOH bumuo ng advisory council na inaatasan ng batas na gumawa ng mga rekomendasyon sa pangulo para madagdagan ang talaan ng mga medisina na sasaklawin ng Mandatory Drug Retail Price.
Aminado si DOH assistant secretary Agnette Peralta na ang kagawaran ay higit na nagbigay ng pansin sa pagkakaroon ng gamot para sa mamamayan, lalo na sa mahihirap naging daan para hindi madagdagan ang listahan.
Magugunita na sa pagtalakay ng RA 9502, iginiit ni Rep. Biron ang paglikha ng hiwalay na regulatory body nguni’t hindi ito naisama sa pinal na bersyon ng batas. Naku ha. Ano ang silbi ng batas kung walang ngipin? Kawawa naman ang mga mahihirap na napagkakaitan ng kalingang medical.
- Latest