^

PSN Opinyon

‘Malabnaw na resolusyon?’

CALVENTO FILES - Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

KAHIT ISANG DALIRI ang matanggal sa iyong katawan pakiramdam mo malaki ang nawala sa iyong buhay.

“Gustong magpagawa ng mister ko ng artipisyal ng paa ang problema mahal yun,” sabi ni Gina.

Nadurog ang binti mister ni Gina Moralde na si Ranil Moralde. Sa laki ng pinsalang tinamo nagdesisyon na ang doktor na putulin na ito.

Sakay ng motorsiklo papasok nasana sa trabaho bilang driver ng BBL Trans System si Ranil nung Marso 5, 2016. Napahinto lang siya nang may marinig na may motorsiklong mabilis ang takbo.

Gumilid si Ranil ngunit nabangga pa siya ng paparating na motorsiklo.

Ang nagmamaneho ng motorsiklong nakaaksidente kay Ranil ay si Jeremaih Becher-23 taong gulang. Parehong nagkaroon ng pinsala sa katawan sina Ranil at Jeremaih.

“May naging kasunduan kami na sasagutin nila ang lahat ng gastusin sa pagpapagamot ng mister ko pero hindi sila tumupad,” sabi ni Gina.

Ang pumirma sa kasunduang ito at ang nakiusap sa pamilya ni Ranil ay ang ama ng akusado na si Eduardo Becher.

Lumaki ang bayarin sa ospital nina Gina at kahit anong subok nilang makipag-ugnayan sa pamilya ni Jeremaih ay hindi naman nila ito makontak.

Nagsampa sila ng kasong ‘Reckless Imprudence Resulting to Serious Physical Injuries and Damage to Properties’ sa Prosecutor’s Office ng San Pedro, Laguna.

“Ang akusado ang may kasalanan sa nangyaring insidente. Lasing siya at ang hawak niyang lisensiya ay student license,” salaysay ni Gina.

Dalawang buwan at labing limang araw ang itinagal ni Ranil sa ospital. Putol na rin ang kanyang binti at hindi na makakapagmaneho pa.

Naghintay silang makatanggap ng patawag para sa pagdinig.

Sa reklamong salaysay ni Ranil gumilid daw siya at huminto nang marinig niya ang grupo ng mga motorsiklo na mabilis na nagpapatakbo. Ang akusado ay tinamaan ang kanyang motor kaya sila nadisgrasya.

Pinatotohanan naman ng testigo na si Juanito Sta Rita ang ibiigay na testimonya ni Ranil.

Nagbigay din ng salaysay si Gina at sinabing ang inabot na pinsala ng motorsiklo ng asawa ay Php16,320. Nagkasundo rin daw sila na hindi muna magsasampa ng kaso.

Ang ina ng akusado ay nag-abot ng Php20,000 sa biktima para sa pagpapagamot nito at sa napagkasunduang pati ang pinsala sa motorsiklo ay aakuin nila.

Ika-30 ng Marso 2016 ang nakatakdang ilabas ni Ranil sa ospital. Tinawagan ni Gina ang mga magulang ng akusado upang ipaalam na ang bayarin sa ospital ay umabot na sa Php427,000. Hindi niya na ito makontak.

Ayon naman sa kontra-salaysay ni Jeremaih, habang papauwi daw sila may nakita raw silang lumabas na motorsiklo sa madilim na parte. Binusinahan niya ito pero tumawid ito sa right lane at huminto. Diretso niya raw tinahak ang kanyang linya.

Nang malapit na siya sa biktima tumawid daw ito sa linya ng nirereklamo at huminto.

Iniiwas niya ang kanyang motorsiklo para hindi mabangga ang biktima ngunit tumama ang kanyang rear part sa motorsiklo ng biktima.

Nahimatay daw siya at ginising lang ng kanyang kaibigan. Habang nasa ospital siya ay sinabihan daw sila ng asawa ng biktima na babayaran nila ang lahat ng gastusin kaya naghanap ng pera ang kanyang mga magulang.

Matapos magbigay ng kanya-kanyang testimonya tinimbang ng taga-usig ang magkabilang panig at naglabas na ito ng desisyon. Pirmado ito ni Asst. City Prosecutor Isidoro Soriano Jr.

Matapos nilang timbangin ang mga ebidensiyang nakalap, nakahanap sila ng sapat na ebidensya na ang akusado ay nagawa ang kasong isinasampa sa kanya at kinakailangang litisin.

Nakita nila ang lahat ng elemento upang masampahan ng kaso si Jeremaih. Ang biktima naman ay napatunayan na dahil sa walang ingat na pagmamaneho ng akusado ay dumanas siya ng labis na pinsala.

Ang depensa ng akusado na pagtatanggi ay ‘evidentiary in nature’.

Inirerekomenda na maiakyat sa hukuman ang impormasyon sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Serious Physical Injuries and Damage to Properties.

‘Bail is not required’ para sa Serious Physical Injuries habang ang Damage to Properties naman ang itinakdang piyansa ay Php4,080 na ¼ ng kabuuang pinsala ng mototorsiklo na Php16, 320.

Sa darating na Disyembre 6, 2016 ang nakatakdang ‘arraignment’.

Gusto raw kasi nilang magkaroon ng artipisyal na paa ang kanyang mister ngunit hindi nila kaya ang halaga nito.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hindi ko maintindihan sa Prosecutor na ito, naputulan ng paa ang nagrereklamo at binanggit niya ang mga elemento kung saan nagkulang itong si Jeremaih maliban pa dun ang lisensiya niya ay student license lamang at dapat may kasama siyang professional driver para gabayan siya.

Pikit mo mga mata mo Prosecutor Isidoro Soriano Jr. at isipin mo na  ikaw naputulan ng paa matutuwa ka ba pag ang resolusyon ay hindi kailangan na magpiyansa yung nakabangga sa ‘yo?

Si Jeremaih ay ‘criminally liable’ anyare? Bat ganyan desisyon mo yan ba ang turo ni Provincial Prosecutor George Dee? Bagito ka lang ba?

Ipinagdarasal ko na hindi mangyari sa ‘yo yan o kahit sa sinong miyembro ng iyong pamilya. May isa pang paraan na maaaring panagutin itong si Jeremiah magsampa ng kasong sibil. Kung walang pera ang biktima ay kumuha kayo ng barangay certificate at humingi ng tulong sa Public Attorney’s Office (PAO) at magsampa ng kaso.

Kadalasan ang pagcompute nito ay ang edad niya ngayon at ang edad kung gaano katagal na makakapagtrabaho at kikita siya ng pera. Hindi naman maliwanag kung ang Hukom na naka-assign sa kasong ito ay binaliktad ito sa isang ‘determination of probable cause’ dahil halatado naman na pabor sa akusado ang desisyon ng Prosecutor na ito.

Nakatakda ang arraignment sa Disyembre 6, 2016 bago yun humingi siya ng tulong sa PAO para sa ‘Motion to Defer Arraignment’ at kung maaaring pag-aralang minsan pa kung tama bang hindi dapat magpiyansa itong si Jeremaih.

Patulong siya sa PAO para gawin ang lahat ng ito Prosec. Isidoro Soriano Jr. Jingle Bells, Merry Christmas to you. (KINALAP CALVENTO FILES)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.


Hotline: 09198972854

Tel. No.: 7103618

GINA MORALDE

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with