^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Wala nang pila

Alex Magno - Pilipino Star Ngayon

KARANIWAN nang mahaba ang pila sa Land Transportation Office (LTO), Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS), Pag-IBIG Fund, Census, Land Registration Authority (LRA), Land Transportation, Fran­chising and Regulatory Board (LTFRB), Department of Foreign­ Affairs (DFA), at marami pang tanggapan ng gobyerno.

Animo’y pila sa igiban ng tubig ang senaryo sa mga tanggapang nabanggit. Karamihan pa ay nakabilad sa init ng araw. At ang matindi, pagkaraang pumila nang pagkahaba-haba, babalikan pa nang nakikipag-transact o nag-aaplay ang kanyang papeles. Mayroon pa na pagkaraang pumila nang isang kilometro, pagdating sa dulo ay breaktime o lunchbreak ang taong nagpoproseso ng papeles kaya maghihintay pa ng kalahating oras o mahigit pa. At kung mamalasin pa, baka abutan pa ng meryenda sa hapon. At malamang abutin pa ng alas singko na uwian ng mga taong gobyerno.

Walang magawa ang mga nagta-transact kundi ang bumalik kinabukasan para ipagpatuloy ang nasimulan. At muli siyang pipila nang pagkahaba-haba. Balik muli siya sa umpisa para matapos na ang kinukuhang papeles at mga dokumento. Makukuha niya ang tina-transact pagkalipas pa ng isang linggo o mahigit pa.

Sa loob nang maraming panahon ay ganito nang ganito ang kalakaran sa mga tanggapan ng gobyerno. Ito na ang nakasanayan kaya wala nang nagrereklamo. Akala ay karaniwan na lamang ang ganito sa mga tanggapan ng gobyerno.

Ang ganitong kalakaran ang nais putulin ni president-elect Rodrigo Duterte. Hindi umano ka­ilangang pumila nang pagkahaba-haba ang mamamayan. Ayon kay Duterte, sa loob ng 72 oras ay kailangang matapos ang tina-transact. Kung hindi ito magagawa ng tanggapan, dapat itong magpaliwanag kung bakit nangyari iyon. Sa panahon ngayon ng computer, hindi dapat pinaghihintay ang mga taong nagbabayad ng buwis at nagpapasuweldo sa mga taong gobyerno.

Putol na ang pila-balde sa mga tanggapan ng pamahalaan. Aabangan ang pagbabagong ito sa susunod na buwan.

ALEX MAGNO

RODRIGO DUTERTE

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with