‘Kailangan ba parating dilaw?’
(ISINULAT NI FR. LUCKY)
HINDI BA’T ITINURO SA ATIN ang iba’t-ibang kulay?
Batid kong hanggang ngayon alam ko pa rin ang mga ito. Mga tinatawag na primary colors.
Hindi ba’t ang pula, bughaw at dilaw ang ilan sa mga pangunahing kulay? Magkakaiba man ang mga ito, hindi sa lahat ng pagkakataon, dilaw ang pinakamatingkad. May pagkakataon pa nga na kahit dilaw mukhang madilim o malamlam.
Noong bata pa ako niyan. Subalit, sa panahong ito, isang panawagan na kailanman ang lahat ay may hangganan. Walang forever, kapag tinalikuran ang kabutihan, katarungan at katotohanan.
Ang magdadala sa atin sa forever ay ang kabutihan, katarungan at katotohanan. Kahit sa kulay din, lumalamlam, dumidilim dahil sa dungis na inihahalo at nailalagay natin.
Mahirap isipin na may iba sa atin, hirap tanggapin na pinatatawad ng Diyos ang mga kasalanan ng tao. Mapagpatawad ang Diyos lalo na sa mga nagsisisi, nahihirapan at handang magbago.
Siya ay mapagpalaya at tayo ngayon ay kanyang inaanyayahan na gawin ito upang hilumin ang bayan.
Kailanman hindi galit ang dapat ipukol sa taong anak ng pumatay sa mahal mo. Wala silang kasalanan. Kung hindi man ganito ang sitwasyon, huwag nating gamitin ang kahapon upang sirain ang magandang pangarap ng mga anak ngayon.
Hindi kasalanan ng anak ang kasalanan ng ama o ng ina. Kung ito man ay minana tulad ng kasalanang orihinal, sa pamamagitan ng binyag ito ay nahuhugasan at pinapatawad. Hindi lamang paglimot ang pagpapatawad, ito rin ay paghilom.
Mahirap maglingkod kapag ikaw ay naging alipin ng galit at paghihiganti. Hirap makapag-move-on, laging isisisi ang pagkakamali sa iba.
Hindi sagot ang ganti bilang katarungan, may batas at alituntuning dapat pagbatayan upang ang resulta ay hindi lamang bunga ng emosyon kundi ng malinaw na pagdedesisyon.
Kung kaya naman, sa pagkakataong ito, hindi malaya kundi alipin ang taong pinangungunahan ng poot at galit. Hirap makamove-on at walang makitang liwanang ang taong nilamon nang kanyang kahinaan at ito ang dahilan kung bakit hindi rin siya tunay na masaya.
Kasing edad ko ang EDSA 1, mula noon hanggang ngayon lagi kong inuunawa ang turo ng EDSA 1 sa aking buhay, kada na lang birthday ko, patalastas na ang diwa ng EDSA 1. May mali ba sa EDSA?
Para sa akin wala naman, dahil ito ay nangyari sa loob ng isang konteksto. Sino ang may gawa nito? Ang malawak na imahinasyon ng taong gustong salingin ang damdamin ng taumbayan. Balikan ang itinuturing na bangungot ng kasaysayan ang Batas Militar. Hindi pa ako isinilang noon, hindi ko man naranasan ang curfew, madugo’t mapahirapan, abusuhin at pagmaltratuhan, ang lahat ng ito ay dapat na nating mapatawad.
Tatlong dekada na ang lumipas; parang sugat na tuyo na kinukutkot natin ang alaala ng kahapon upang magdugo muli at maramdaman ang hapdi ng mga pagyayari. Hindi ba natin ito puwedeng itama sa kasalukuyan, hindi ba natin ito puwedeng isantabi muna at balikan kung naayos na natin ang higit na mahalaga kaysa damdamin lamang ng ilan. Gutom, kawalan ng trabaho, lumalalang kriminalidad at talamak na bentahan ng droga ang mas importanteng resolbahin upang makatawid tayo sa kaliwanagan at kaligayahan.
Pambihira naman, hanggang ngayon matigas pa rin ang puso ng ilan at parang hindi sila mga Kristiyano, hindi sila nakaranas ng pag-ibig at pagpapatawad ng Diyos.
Kung Kristiyano ka nararapat lamang na marunong din tayong magpatawad. Huwag nating ipukol sa mga naiwan ang kasalanan ng kanilang magulang. Kung sila man ay nasa wastong isip na noon, hindi ba at ang away ng matanda ay away matanda lamang. Minsan nga sinasabi nila, usapang matanda ay pang-matanda lamang.
Iba man ang pananaw ko sa inyo, nais ko lamang kayong anyayahang magmahal at magpatawad. Isang pangit na taktika na ibintang ang Martial Law sa buong pamilya Marcos. Hindi ko sila kilalang personal. Hindi man din nila ako kilala. Pero ang gamitin itong propaganda ay may pangit na imahe para sa akin. Ito ay gawain ng taong takot makapag-move-on at alipin ng galit at munghi.
Kung babalikan nga natin ang EDSA 1, may nagawa ba ang mga personalidad nito upang maitama ang mga mali ng Martial Law. Hindi ba at sila ngayon ang korap at mandarambong. Hindi ba at galit ang magnanakaw sa kapwa magnanakaw.
Huwag tayong mapagmalinis. May mga mali tayong isinisigaw ngayon, hindi sa lahat ng pagkakataon pwede nating gamitin ang salitang karma gayong hindi ito maka-Kristiyanong konsepto. Pinatatawad tayo sa ating kasalanan upang magbagong-buhay at upang mabuhay.
Hindi ito pagbabalewala, bagkus ilugar din sana natin ang lahat. Lagi nating isinisisi ang lahat sa Martial Law. Wala bang nagawa ang Marcos sa Pilipinas. Alam po ninyo hindi ako bilib kay Ninoy Aquino, kahit siya ay kababayan ko. Maingay lang siya bilang senador noong kanyang panahon. Subalit wala siyang napagawa at nagawa sa Tarlac. Wala akong naalalang gusali na pinakinabangan dito sa amin mula noong siya ay nanungkulan. Monumento lamang niya na palipat-lipat ang aking nakita simula noon. Kinilala man siyang bayani subalit hindi sapat ang kanyang ambag.
Sa kabilang banda, ang laro ng Aquino ay hindi larong Marcos. Mas marami akong masasabing nagawa ni Marcos na hanggang ngayon ay pinakikinabangan ng lahat kaysa kay Ninoy. Subalit dahil ba Marcos sila, may branded na tayo sa kanila bilang masasamang tao. Kala natin minsan kung paano tayo nagmamalinis gayong mas masahol pa ang ginagawang katiwalian ng mga pinuno sa kasalukuyan.
Ang masaklap pa maging ang makinarya sa pandaraya ay ipinupukol pa sa mga Marcos. Hindi ba at mas maraming pera ang kasalukuyang administrasyong ginugol sa kandidaturang Mar at Leni kaysa sa ibang kumadidato sa pagkumbinsing sila ang iboto.
Ang pandaraya kahit automated elections na ay hindi ka pa rin patitinag lalo na kung ito ay pinagplanuhan at pinag-usapan ng mga may impluwensya sa lipunan.
Bandang huli, kahit anong gawin natin hindi laging matingkad ang dilaw. Bukas marahil pula naman ang mas titingkad kaysa dilaw o bughaw. Pana-panahon lang talaga!
***
ANG PANANAW ni Fr. Lucky Acu?a ay hindi nangangahulugan na ito rin ang aming pananaw. -Calvento Files
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
Hotline: 09198972854
Tel. No.: 7103618
- Latest