^

PSN Opinyon

‘Tinig ng bayan!’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

Hotlines: 09198972854

Tel. Nos.: 7103618

SALAMAT NAKINIG ANG DIYOS, salamat! Ito ang aking dasal para sa isang mapayapang halalan. Naitawid natin ang eleksiyon 2016 ng maayos at bahagi ng kasaysayan na boses pa rin ng taumbayan ang nanaig at nasunod. Pinatutunayan lang nito na tayo ay malaya bilang isang bansa.

Kung kaya naman, sa pagkakataong ito, tara na, bumangon na, at maglakbay para sa kinabukasan. Marami na tayong baong magagandang pangarap upang harapin na natin ang taong 2022.

Anim na taon muli tayong magpupunyagi sa ating mga mithiin para sa Bayan. Anim na taon tayong muling makikipagbuno sa hamon ng buhay, makagawa nawa tayo ng epektibong programa para sa suliraning pangkahirapan, mabawasan nawa natin ang kurapsyon sa pamahalaan at mapababa nawa natin ang bilang ng kriminalidad lalo na sa pagsupil sa paggamit at pagbebenta ng droga.

Sana ay mawakasan na natin ito. At kung hindi man, dala ng pagbabagong pinakaaasam-asam natin, simulan na nating magbago bilang mga mamamayan para sa kaunlaran at kapayapaan. Samahan natin ang bagong liderato ng may sigla at positibong pananaw para sa Bayan.

Hindi biro ang ating pinagdaanan. Dekada na ang sinayang at sinasa­yang pang panahon at pagkakataon. Sa tagal ng panahon mula pa nung matagumpay nating ipinaglaban ang demokrasya sa EDSA 1986, nagsawa nga ba ang taumbayan sa pamamalakad at pangako ng mga personalidad na nagsulong nito, kung kaya ngayon naman ay mas pinaboran at binoto natin ang hindi taga-Maynila at mula pa sa lalawigan, sa dulong bahagi ng Mindanao, upang tayo ay pamunuan. Tunay ngang pinili natin ang may tapang at malasakit upang harapin ang kasalukuyang kalagayan ng Pilipinas.

Binoto ng higit 15 milyong tao at tumataas pa sa kasalukuyan (habang sinusulat ko ang article na ito patuloy na pa rin ang pag-transmit ng boto) si Mayor Rody Duterte. Ang taumbayan ay pumili ng pangulo para sa isang gobyernong kayang lutasin ang lumalalang problemang panlipunan. Subalit hindi magagawa ng bagong pangulo ang lahat ng ito kung hindi tayo makikiisa, makikisangkot, maninindigan at pasasakop sa katotohanan at katarungan, saligang batas pa rin ang ating batayan at buhay.

Kung kaya ngayon, tayong nang magkasundo. Dahil tapos na ang halalan, tapos na rin sana ang bangayan, siraan, at patutsadahan. Naipahayag na sa halalan ang sistemang dapat ayusin at isyung dapat resolbahin, nailabas na ang mga plataporma na dapat gagawin at kumbinsido na ang taong manunungkulan para sa atin ay kumilos at maglingkod.

Pakatandaan natin na kalakip ng paglilingkod ay pag-ibig; naglilingkod tayo dahil tayo ay nagmamahal at bilang pinuno nagmamahal tayo kaya tayo ay naglilingkod. Nawa pagkatapos ng halalang ito ay huwag tayong paglayuin ng hidwaan, ng pagkakahati-hati at maging ng takot at pagdududa. Magkaisa nawa ang mga pinunong ng kumandidato sampu ng kanilang tagasuporta. Humihingi man ng katarungan ang taumbayan laban sa mga tiwali, masimulan muna sana ang mga programang makatutulong sa mas nakararami kaysa ang pamunuan tayo ng hinanakit at paghihiganti.

Ilang araw lang ang hihintayin, pormal na nating malalaman ang panalo sa pangnaguluhan. Batid man natin ang partial and unofficial results ng ating mga boto sa buong Pilipinas, alam na nating si Mayor Digong na yan. Sana sa pagkakataong ito, makiisa na tayo sa kanyang layunin at adhikain para sa bayan.

Naniniwala ako kay Tatay Digong, dahil ito ang Desisyon ng bayan. Hindi biro na milyun-milyon ang taong sumusunod sa kanya, saan man siya magsasalita. Sinubaybayan siya sa social media at nagtrending pa ang kanyang mga sinasabi at salitang binibitiwan. Sinalubong siya sa mga lansangan at pinalakpakan. Day 1 pa lang ng kampanya, may dating na sa masa ang kanyang presensiya.

Kung kaya naman ang akin dalangin ay Ingatan po ninyo ang pangangap ng milyun-milyong Pilipino na nagpakita ng suporta sa ‘yo, bilang mga Emilio Aguinaldo ng buhay niyo. Pinag-isa mo ang Pilipinas, walang nanaig, Kristiyano man o Muslim, mayaman man o mahirap, bata man o matanda, ang nanaig ay paniniwala sa iyong programa. Kaya sa pagkapanalo po ninyo, pag-ingatan ang tiwala at pagpapahalagang kaloob nila sa inyo.

Ito nawa ang inyong maging Gabay, inspirasyong milyun-milyong tao ang nasa likod po ninyo upang tayo ay magtagumpay. Sa pagluklok po ninyo sa Malacanang, sana maging maayos ang lahat. Mula sa inyong bibig, walang pabor ang manaig mula sa hiling ng kamag-anak at mga kaibigan.

Ngayong  Omaasa kami sa iyo, Nandiyan kami sa iyo. Ang taumbayan ay lubos na nagtitiwala sa tapang at malasakit na gagawin mo. Kabiguan at pagkasawa ang nais tinalikuran ng taumbayan sa mga lumipas na administrasyon. Huwag po sana ninyo silang bibiguin. Batid kong hindi kayo superhero, magawan sana natin ng paraan maging disiplinado ang bawat Pilipino.

Alam kong Gagalingan mo pa. Sana magsimula rin po sa inyo ang magbago tulad ng gagawin namin para sa panibagong sigla ng paglilingkod sa bayan. Marami mang masakit na salita ang aking narinig laban sa Simbahan na kayo rin po ay kabahagi, hindi dito mapuputol ang ating pagtutulungan. May awa at pag-ibig ang Diyos sa inyong kahinaan. Subalit kailangan natin pagsumikapang gawin pa rin ang kalooban ng Diyos. Pinagkatiwalaan ka ng Diyos, sana sa yugto ng buhay na ito, maging huwaran ka ng mga kabataan, bilang tatay na may disiplina hindi lamang sa salita kundi lalo’t higit sa gawa. Kaisa po ninyo ang Simbahan, dahil kayo rin po ay bahagi ng Kanyang katawan.

Bandang huli, ang sarap huminga dahil matagumpay nating nairaos ang papili at paghirang ng mga bagong pinuno. 2019 at 2022 ang aabangan natin. Habang hinihintay natin ito, panibaguhin nawa natin ang ating ugali at gawi bilang mga Pilipino. Kung paano tayo namamanata bilang Pilipino, pagsumikapan nating linangin sa ating sarili ang pag-ibig sa bayan, sa pagiging makabayan.

Aking dalangin na patnubayan ka ng Diyos, Tatay Digong. Manatili nawa sa iyo ang takot sa Diyos, ang Kanyang biyaya at pagpapala. Pagkalooban ka nawa Niya ng karunungan, pang-unawa at tamang pag-iisip upang ang mga inatas sa iyo ng saligang batas ay magampanan mo ng buong kagalingan at kakayahan.

Salamat sa Diyos salamat. Wala tayong dapat ikatakot. May magandang kinabukasan ang Pilipinas. May magandang mangyayari sa Pilipinas. Subalit pakatandaan natin, kailangan tayong lahat na makiisa at makisangkot sa pamamahala ni Tatay Digong. Ang tagumpay niya ay dahil tayo ay naandidiyan handang magbago bilang mamamayan. Kasama ang lahat, lahat ay kasama sa bagong Pilipinas.

P.S. Tatay Digong: Desisyon ng Bayan, Ingatan mo at maging Gabay, Omaasa kami, Nandiyan kami, Gagalingan mo pa.

(ISINULAT NI FR. LUCKY ACUNA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with