Sports ngayong summer break
MALAKING benepisyo sa katawan ng pagiging aktibo. Isa sa mabuting paraan upang mapanatili ang liksi, bilis at lakas ng katawan ay ang pagkakaroon ng sports. Ngayong summer break, pinakamainam na panahon upang matuto at magkaroon ng hilig sa sports. Maaaring mag-enroll sa swimming lessons na tama ngayong napakainit ng panahon.
Maaari ring magsanay ng basketball at volleyball na akma hindi lamang para sa mga kabataan, kundi maging sa mga may edad. Marami pa ring sports na maaaring matutunan gaya ng tennis, badminton, skating, football, soccer, baseball, at iba pa.
Para sa layuning ito, ipinaayos ng Lungsod ng Maynila ang lahat ng mga sports complex at covered gymnasiums. Layon ng pamahalaan na mabigyan nang maayos na palaruan ang mga kabataan upang maging malakas ang kanilang pangangatawan, at maiiwas sila sa ilegal na droga.
Nakakatuwang isipin na sa ngayon ay maayos at komportableng nakakapaglaro na ang mga residente nang libre sa sports complex na ito. Halimbawa ay ang Dapitan Sports Complex na ngayon ay kilalang Sen. Arturo Tolentino Sports Center na mayroong covered at airconditioned basketball court kung saan libreng nakakapaglaro na ang mga kabataan ng kanilang paboritong sports at libangan. Bukas din at maayos na nagagamit ang swimming pool nito (na may anim na lanes, 25 metrong haba at 4.5 feet lalim) na may dalawang water filters upang matiyak ang kalinisan ng tubig. Samantala, isinaayos na rin ang dalawang tennis court nito upang mapakinabangan ng mga residente.
Ang San Andres Sports Complex ay naisaayos na. Mayroong fully airconditioned court para sa basketball, volleyball at iba pa. Pinagaganda rin ang comfort rooms, shower rooms at players’ quarters.
Maaari ring magsanay sa mga pinagandang palaruan ng Tondo Sports Complex, Delpan Sports Complex at Patricia Sports Complex sa Tondo; Jacinto Ciria Cruz Sports Complex sa Pandacan; Canonigo Sports Complex sa Paco; at Bagong Buhay Sports Complex at Sta. Ana.
- Latest