Mag-ingat sa mga abusadong taxi driver
KAMAKAILAN, naging viral sa social media ang video ng isang galit na taxi driver matapos tumanggi ang kanyang naging pasahero na magbayad ng dagdag na pamasahe dahil sa pangongontrata.
Kuwento ng babaing pasahero, umabot pa sa pagmumura at pisikal na pananakit ang engkwentro niya sa driver. Kahit sa pagbaba niya ay hinabol pa umano siya ng driver kaya naman naisip niyang kunan ng video ang insidente at i-upload sa social media. Dahil sa labis na takot, agad din itong nagreklamo sa pulis at kinasuhan na ang bastos na taxi driver.
Mabuti na lamang at nakunan ng video ang pangyayari, at naging mabilis ang pag-aksyon sa kanyang reklamo. Ngunit marami pa sa iba nating mga kababayan ang may masamang karanasan sa sinasakyan nilang taxi at sa mga tsuper nito.
Sa ilalim ng panukalang inihain ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada, nais niyang bigyan ng leksyon ang mga abusadong taxi drivers na nagsasamantala sa kanilang mga kawawang pasahero at lumalabag sa mga panuntunan ng Department of Transportation and Communications (DOTC) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Sa Senate Bill 2872 ni Jinggoy, layon na patawan ng parusa ang sinumang tao na mapapatunayang maniningil ng mas mahal na pamasahe kaysa sa opisyal at takdang pamasahe, mga hindi gumagamit ng kanilang metro at sa halip ay nangongontrata, at pagtanggi sa paghahatid ng pasahero o ang mga tinatawag na isnaberong drayber.
Pagbabayarin sila ng multang hindi bababa sa P5,000 hanggang P10,000 at pagkasuspinde sa pagmamaneho nang hindi bababa sa isang buong taon. Samantala ang anumang susunod na mga paglabag ay maaari namang magdulot ng permanenteng disqualification sa pagmamaneho ng isang pampublikong sasakyan.
Ang taxi operator naman ay maaaring pagbayarin ng multang hindi bababa sa P10,000 hanggang P20,000. Ang sasakyan naman ay maaaring ma-impound nang hindi bababa sa isang buwan hanggang anim na buwan.
Kasalukuyang nakabinbin sa Committee on Public Services sa Senado ang panukala.
- Latest