Ika-2 ‘bagong’ bagon kulang ang gulong
HINDI ba titigil si Transport Sec. Joseph Abaya sa panloloko sa publiko? Ipinagmalaki niya nu’ng bisperas ng Pasko na dumating na ang ikalawang “bagong” bagon ng MRT-3 mula China. Pero wala siyang maipakita dahil nakaipit pa ito sa pier ng Maynila. Akala siguro niya lusot na siya sa batikos, dahil abala ang madla noon sa Kapaskuhan.
Pero nitong kalagitnaan ng Enero 2016 ibinunyag ni dating MRT-3 general manager Al Vitangcol na merong 5% kickback sa pagbili ng 48 bagon mula Dalian Corp. ng China. Ibig sabihin, sa P3.85-bilyong halaga ng kontrata na pinirmahan ni Abaya, P192.5 milyon ang ibinulsa ng mga kawatan sa DOTC-MRT-3.
Bilang sagot, biglang inilabas ni Abaya ang bagon mula sa pier, at ipinasilip sa reporters. Aba, di tulad ng unang unit na dumating nu’ng Agosto 2015, na ikinapahiya ni Abaya nang bistuhin ng Sapol na wala palang makina, itong pangalawa ay meron.
Pero, teka, anang sources sa MRT-3, kulang ang mga gulong nito. Dapat meron itong apat na pares na bogey wheels, pero dadalawang pares lang ang nakakabit -- sa unahan at sa hulihan, wala ang dalawang pares sa gitna.
Ibig sabihin, tulad ng una na walang makina, itong pangalawang bagon ay hindi rin na-test-run nang 5,000 km sa pabrika, na saad sa kontrata. Ibig sabihin, hindi rin ito subok kung umaandar at kung ligtas sakyan. Ni hindi ito dapat tinanggap ni Abaya mula sa Dalian Corp.
Mismong Metro Rail Transit Holdings, pribadong nagtayo’t may-ari ng MRT-3, na ang tumutuligsa kay Abaya. Pasiklab lang umano niya ang pangakong, sa pagdating ng ikatlong bagon sa Pebrero, makakabuo na ng isang dagdag tren ang MRT-3. Anang MRTH, hindi matetesting nang sapat ang mga bagon sa mga riles na pinabulok ni Abaya.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest