“Laglag Bakal”
KUNG PURI ang pag-uusapan ilalaban ang lahat pati buhay para ito’y pangalagaan at hindi madungisan.
“Sa takot kong dalhin ako sa casa tumakas ako at tumalon sa tinitirhan namin. Nabali ang paa ko pero tumuloy pa rin ako,” ayon kay Cheryl.
Maraming hirap daw ang pinagdaanan ni Cheryl Villanueva nang magtrabaho siya sa Qatar. Ang ahensyang Naimi Manpower Services sa Malate, Manila ang nagpaalis sa kanya.
Nagtrabaho siya bilang Household Service Worker (HSW) sa among Lebanese. Simula pa lang nahihirapan na siyang pakisamahan ang alagang apat na taong gulang.
“Nananakit ang alaga ko. Wala akong sariling kwarto at hindi rin ako nakakakain ng maayos. Kulang pa kami sa pahinga lalo na kapag Ramadan. Halos limang oras lang ang tulog namin,” salaysay ni Cheryl.
Nagpabalik na lang sa ahensya si Cheryl dahil hindi niya kakayanin ang gawain sa amo. May tatlong anak na si Cheryl at kailangan niyang itaguyod ang pag-aaral ng mga ito kaya siya nagtiyaga.
Nagbakasakali siyang may employer na maayos-ayos na maibibigay sa kanya.
“Ang ahensyang pinagbalikan sa ‘kin ay ang Alzhara Manpower. Halos isang buwan ako sa kanila bago nila ako inilipat sa Al Aessan Manpower,” ayon kay Cheryl.
Pagdating niya sa Al Aessan kinausap siya ng manager nito na si Abdul Idris at sinabi niya ang nangyari sa kanya.
Inaalok daw siya nito pero gumagapang na ang kamay nito sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan. Kinakapa-kapa ang kanyang pwetan.
“Sabi pa niya wag daw ako matakot dahil kaibigan niya ako. Tinanong pa ako kung may nangyari ba sa ‘min ng manager nung una kong naging agency,” pahayag ni Cheryl.
Paliwanag sa kanya gusto na raw nitong maalis ang manager ng una niyang naging ahensya sa negosyo at siya ang gagamitin. Nangako pa ito na ibibigay siya sa Royal Family at kikita siya bilang ‘Therapist’.
Naisip ni Cheryl na maganda-gandang trabaho ito dahil ito naman talaga ang gawain niya dito sa Pilipinas. Nawala ang saya niya nang sabihin ng manager na may kapalit daw yun.
“Sumama daw ako sa bahay niya at alam ko na raw kung ano yun,” sabi ni Cheryl.
Natakot si Cheryl sa sinabi nito. May kasamahan siyang Pilipina dun na pinayuhan siyang tumakas na kung may pagkakataon dahil baka dalhin siya sa casa.
Habang nasa ahensya si Cheryl nakita niya ang mga pangmamaltrato ng mga ito sa mga kasambahay doon. Tuyo at noodles lang daw ang pinapakain sa kanila.
“Yung sekretarya dun sinisigawan kami. Mga hayop daw kami at dapat sa ‘min hindi pinapakain. Pati mga pasalubong ko sa anak ko kinuha nila,” sabi ni Cheryl.
Ika-16 ng Agosto 2015 bandang alas diyes ng gabi nang tumakas si Cheryl. Tinawagan niya muna ang kanyang kaibigan para matulungan siya. Tumalon siya sa bintana ng tinitirhan nila sa ahensya.
“Sa ikalawang palapag yun. Pagkatalon ko nabali ang kanan kong paa ko. Pansamantala akong nagtago sa kaibigan ko,” sabi ni Cheryl.
Kalaunan sumuko siya sa embahada at agad naman siyang dinala sa ospital para patingnan. Sa pagkakaalam niya ang pulis ang nagbayad ng lahat dahil ‘government hospital’ naman ito.
Dinala na si Cheryl sa Capitol Jail para makuhanan siya ng salaysay bago dalhin sa ‘deportation’.
Halos tatlong linggo raw siya sa deportation at wala man lang ginawa ang ahensya. Ang pulis dun ang umasikaso ng lahat.
“Bumili nga ng ticket ang ahensya pero hindi naman direct flight. Yung paa ko pa naman ay naka-stapler pa kaya hirap ako sa biyahe,” pahayag ni Cheryl.
Hindi man lang daw inisip ng ahensya ang kanyang kalagayan gayung hirap siya sa paglalakad at nag-iisa lang siya. Nagpasalamat na lamang siya nang may mga kababayang tumulong sa kanya sa airport.
May ipinangako raw noon ang Al Aessan na 20,000 Riyals pero hanggang ngayon wala pa siyang natatanggap.
“Ang gusto pa nilang mangyari ang ahensya namin sa Pilipinas ang magbayad sa ‘min. Hindi naman sila ang gumawa sa ‘min ng hindi maganda bakit sila ang sisingilin namin?” ayon kay Cheryl.
Hanggang ngayon ay may bakal pa rin sa binti si Cheryl. Sa kalagayan niyang ito pinipilit niya pa ring magtrabaho bilang therapist para maitaguyod ang tatlong anak.
Dalawang taon pa ang kailangan niyang hintayin bago matanggal ang bakal sa kanyang paa.
Tinulungan naman siya ng ahensya niya sa Pilipinas para makapag-file ng kaso sa POEA.
“Kung pwedeng ipa-ban sana i-ban na ang ahensyang yan dahil nananakit sila dun. Gusto ko rin sana mabawi ang lahat ng gamit kong kinuha nila at pera,” sabi ni Cheryl.
Tanong din ni Cheryl kung may mahihingi ba siyang tulong sa OWWA tungkol sa nangyari sa kanya o sa ilang ahensya ng gobyerno.
“May mga humihingi din po sa akin ng tulong na makaalis sila dun sa ahensya. Sana matulungan niyo din po sila,” wika ni Cheryl.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang ahensya sa ibang bansa hindi lamang yan kuhaan ng mga magtatrabaho. Sila rin dapat ang magmo-monitor kung paano tinatrato ang kanilang mga aplikante sa binigyang employer.
Ipinaalam namin sa Department of Foreign Affairs (DFA) kay Usec. Rafael Seguis ang tungkol sa nangyaring ito kay Cheryl upang maiparating sa ating embahada at mabisita ang ahensyang Al Aessan.
Hinihintay lang din namin ang ilang pangalan mula kay Cheryl na mga kababayan natin na naroon upang malaman kung anong tulong ang maibibigay natin sa kanila.
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
Hotline: 09198972854
Tel. No.: 7103618
- Latest