Hindi talaga mapipigilan
SA kabila ng pag-anunsyo ng DOH na bumaba ng 53 porsyento ang mga naitalang pinsala dulot ng mga paputok kumpara sa nakaraang taon, tila hindi pa tapos ang pagbilang ng mga nasaktan nitong bagong taon. Ngayon, nasa 458 na ang bilang ng mga nasaktan. Kaya binago ng DOH ang kanilang unang datos, at 44 porsyento na lang ang binaba ng bilang nga mga nasaktan kumpara sa nakaraang taon. Ganun pa man, ikinatutwa pa rin ito ng DOH. Bumaba pa rin ang bilang kumpara sa nakaraang taon. Pero mas gugustuhin pa rin ang “zero casualty” sa mga darating na taon. Piccolo pa rin ang salarin, kaya dapat matukoy kung sinu-sino ang mga nagpapasok at nagtitinda pa rin nito.
Kaya lang, may mga biktima pa rin ng ligaw na bala na mas peligroso. Ayon sa PNP, mula Disyembre 16 hanggang Enero 1, 28 ang bilang ng mga tinamaan ng ligaw na bala. Sa bilang na ito, pitong tao, kasama ang isang pulis, ang inaresto. Ang nais ng PNP ay amyendahan ang batas hinggil sa “indiscriminate firing” ng baril. Sa ngayon, ang multa ay P200 lamang at isa hanggang 30 araw na kulong. Kaya tila hindi ito kinatatakutan ng mga pasaway. Dapat mas mabigat ang parusa at multa. Gawing daanglibo ang multa at ilang taong kulong, para magsilbing balakid sa mga pasaway. At patuparin na rin ang pabuya para sa mga magtuturo ng mga nagpaputok ng baril, para may insentibo ang mamamayan.
Nasa kultura natin ang ganitong klaseng selebrasyon kapag bagong taon. Sa tingin ko hindi lubusang mapipigilan ang mga gustong magsindi pa rin ng mga paputok. Sana lang ay maging responsable rin ang mga gumagawa ng paputok. Bakit gagawa ng paputok tulad ng “Goodbye Philippines” na malinaw na nakakapatay na ng tao? Anong pinagkaiba nito sa baril? Kung bawal ang magbenta ng baril basta-basta, dapat ganundin sa mga paputok. Responsibilidad ng gobyerno ang bantayan ang industriya na hindi lumalabag sa mga patakaran at regulasyon. Wala namang masama sa pagdiwang ng bagong taon sa ganitong pamamaraan, basta nasa tama ang lahat. Ligtas at kalidad na produkto. Mga bata ang madalas na biktima ng mga iligal na paputok, kaya dapat sila ang mabigyan ng proteksyon. Ilang sunog din ang naganap dahil sa mga walang kuwentang paputok? Ilang segundong katuwaan kapalit naman ay mawala ang tirahan at kagamitan. Anong nakakatuwa riyan?
- Latest