Putok pa more!
HINDI kinilabutan o nahintakutan ang ilang kababayan sa paalala ng Department of Health (DOH) at Philippine National Police (PNP) laban sa firecrackers at pagpapaputok ng baril noong New Year’s Eve. Halos lahat ng mga ospital sa Metro Manila ay napuno ng mga biktima ng firecrackers at stray bullets. Tinatayang 200 nabiktima ng paputok ang dinala sa East Avenue Medical Center habang ang Jose Reyes Memorial Medical Center naman ay may 200 biktima.
Nasaksihan ko sa Jose Reyes ang nangyari kay Gerry Flores na naputol ang kaliwang paa nang maputukan ng Ben Ladin na natapakan nito sa Almeda St., Tondo noong New Year. May mga bata na edad 5-9 ang nasugatan sa paa, kamay at mukha dahil sa piccolo. Mayroon namang tinamaan ng bala at may saksak sa katawan dahil sa pagyayabang.
Sa Ospital ng Maynila, isang lalaki ang namatay nang yakapin umano ang sinindihang Goodbye Philippines. Sa Taguig City, ilang tao ang tinamaan ng ligaw na bala at sa Makati, isang naburyong na barangay worker ang namaril at tinamaan ang ilang tao.
Kulang pa ba ang paalala ng gobyerno para maiwasan ang mga ipinagbabawal na firecrackers at pagpapaputok ng baril tuwing sasapit ang Bagong Taon? Sa palagay ko kulang talaga, dahil karamihan sa mga nagbebenta ng mga ipinagbabawal na paputok ay mismong mga pulis. Kulang din ang monitoring ng PNP sa illegal gun holders kaya umuulan ng bala ang kalangitan. Abala kasi ang PNP sa kaka-orbit sa mga putahan, pasugalan at illegal vendors sa pagkolekta ng intelihensiya.
Panawagan ng aking mga kausap, ipagbawal ang pagbebenta ng mga paputok sa bansa. Kung hindi ito kaya ng gobyerno malalagay lamang sa kapahamakan ang mga kababayan. Kung nakaligtas ka sa putok ng rebentador, hindi ka naman makakaligtas sa sunog katulad ng nangyari sa Dagupan Extention, Gagalangin, Tondo. Daang pamilya ang nawalan ng bahay. Hindi pa matukoy ng Bureau of Fire Protection ang dahilan ng sunog. Puro na lang ba imbestigasyon ang PNP?
Happy New Year mga suki!
- Latest




















