EDITORYAL - Pictures ng sakit na nakukuha sa pagyoyosi, wala pa sa pakete
MALINAW ang nakasaad sa Republic Act 10643 (Graphic Health Warning Law) na sa loob ng isang taon, dapat nang makita sa pakete ng mga sigarilyo ang text warning at graphic images ng mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo. Pero isang taon na ang nakalilipas mula nang isabatas ang RA 10643, wala pang mga picture ng mga sakit na makikita sa kaha o pakete ng mga sigarilyo. Kabilang sa mga picture ng sakit na dapat makita sa kaha ng yosi ay kanser sa baga, lalamunan, bibig, pisngi, dila, emphysema, katarata at sakit sa puso.
Dahil dito, lumulutang ang paniwala na kaya hindi inilalagay ang mga graphic images sa pakete ng yosi ay dahil patuloy ang pagla-lobby ng mga kompanya ng sigarilyo sa Department of Trade and Industry (DTI) para hindi maipatupad ang batas. Ayon sa report, hindi pa raw sumusuko ang mga kompanya ng sigarilyo para hindi mailagay ang graphic images sa pakete.
Nangangamba naman ang cancer survivors na hindi maipatutupad ang RA 10643. Matatandaan na bago naipasa ang batas, inabot ito nang maraming taon dahil sa pagtutol ng cigarette companies.
Bukod sa paglalagay ng mga retrato ng sakit sa pakete, obligado rin ang cigarette companies na ilagay ang mga mensahe na nagpapaalala na masama sa kalusugan ang paninigarilyo. Sa kasalukuyan, maliit na mensahe lamang ang nakalagay sa bawat kaha ng sigarilyo na halos hindi mabasa. Layunin ng paglalagay ng mga retrato ng sakit sa mga kaha na mapigilan ang mga naninigarilyo at mga nagbabalak pa lamang. Inaasahang marami ang magdadalawang-isip na manigarilyo kapag nakita ang mga retrato ng nakamamatay na sakit. Sa tala ng Department of Health (DOH), 87,600 Pilipino ang namamatay taun-taon dahil sa paninigarilyo.
Sa Southeast Asia, ang Pilipinas na lamang ang walang graphic warning sa kaha ng sigarilyo. Sa ginawang pag-aaral, maraming tumigil sa paninigarilyo nang makita ang nakaririmarim na sakit na nakalarawan sa kaha ng sigarilyo. Kabilang sa mga bansa na nabawasan nang malaki ang mga naninigarilyo ay ang Thailand, Australia at Canada.
Panawagan sa DTI, ipatupad ang nakasaad sa batas. Ilagay sa pakete ang mga retrato ng sakit na nakukuha sa paninigarilyo. Malaki ang maitutulong nito para mabawasan ang mga magkakasakit at mamamatay.
- Latest