EDITORYAL – Tagumpay pero bigo pa rin
MAHIGIT isang taon ang nakalipas bago nahatulang guilty si US Marine Lance Joseph Scott Pemberton sa pagpatay kay transgender Jennifer Laude. Hinatulan siya kahapon ni Judge Roline Ginez-Jabalde ng Olongapo City Regional Trial Court Branch 74 na mabilanggo ng anim hanggang 12 taon. Ipinag-utos ng korte na pansamantalang ikulong sa New Bilibid Prison (NBP) si Pemberton.
Sa unang tingin, tagumpay ang hatol kay Pemberton, pero nakadidismaya na may pagpabor din sa akusado sapagkat naibaba sa homicide ang kaso sa halip na murder. Naibaba rin ang mga dapat bayaran ni Pemberton kaugnay sa pagpatay. At ang matindi, hindi pa malaman kung saan talaga ikukulong si Pemberton. Kahapon, pasado alas-sais ng hapon nang pagpasyahan na sa Custodial Center sa Camp Aguinaldo dadalhin si Pemberton at hindi sa NBP. Ayon sa report, limang araw pa ang hihintayin bago pagpasyahan kung saan nga ba ikukulong ang sundalo.
Karumal-dumal ang ginawa kay Laude noong Oktubre 11, 2014. Natagpuan itong patay sa banyo ng motel na tinuluyan nila ni Pemberton. Nakasubsob ang mukha sa inidoro. Hindi karaniwan ang pamamaraan ng pagpatay na ginawa kay Laude na para bang galit na galit ang suspect. Bakit isinubsob pa ang mukha sa inidoro? Wala itong kalaban-laban sa maskuladong sundalo.
Hindi ito ang unang pagpatay ng mga Kanong sundalo sa mga kawawang Pinoy. May mga naiulat na noon pa subalit hindi lamang nabigyan ng atensiyon ng media at maaaring natakot ang mga biktima.
Kawawa ang kalagayan ng mga karaniwang Pilipino kapag hindi nirebisa ang Visiting Forces Agreement (VFA). Nakasaad sa VFA na ang mga sundalong Kano na makakagawa ng krimen sa bansa ay mananatili sa kustodiya ng US. Talo ang mga kawawang Pinoy sa kasunduang ito.
At naniniwala kami na ang pagkakahatol kay Pemberton ay hindi isang tagumpay. Nasa sariling bansa na ang biktima pero ang pumatay ay hindi ganap na naparusahan. Mapait ang tagumpay sa kaso ni Jennifer Laude.
- Latest