Abaya, Honrado puro lang palusot sa ‘tanim bala’
HINDI matapus-tapos itong kontrobersiya ng “tanim bala” sa Ninoy Aquino International Airport. Kasi, puro palusot lang ang mga opisyales, imbis na ipahinto ang raket, ayon sa utos ni President Noynoy Aquino.
Nililipat ni Transport Sec. Joseph Abaya ang bintang sa Kongreso, dahil kesyo labis daw ang bangis ng batas laban sa illegal possession of ammunition. Dapat gaanan umano ang batas imbis na 6-12 taon pagkabilanggo kapag mahulihan ng isang piraso o isang kahon ng bala.
Kalokohan ang pinagsasasabi ni Abaya. Dapat ipatupad niya ang probisyon ng batas na nagpapataw ng gan’un din sa sinomang magtanim ng ebidensiya para sa maling habla o sa pangingikil. Ito ang raket na isinisiwalat ng mga papalipad na pasahero na nabiktima ng “tanim bala” sa baggage x-ray security inspection.
Kesyo rin, ani Abaya, na kokonti lang ang nahuhulihan ng bala sa bagahe: 0.004% lang, o 5,736 indibidwal, mula sa milyon-milyon na umalis at dumating sa NAIA nu’ng 2012 hanggang kasalukuyan.
Walang saysay ang estadistika ni Abaya. Mga paalis na pasahero lang ang binibiktima sa raket. Tandaan niya, wala namang x-ray o kapkapan ng bagahe ng mga para-ting na pasahero sa NAIA.
Ibinabandera naman ni absentee NAIA chief Jose Angel Honrado ang kaisa-isang tahasang pagkakaroon ng bala sa bagahe ng pasahero. Halata ang pakay niya: Pagtakpan ang limang beripikadong pagtatanim ng bala para mangotong sa mga pasaherong matatanda at matatakutin.
Paulit-ulit pa si Honrado na “Karapatan ninyo ‘yan” sa mga mambabatas na nagpapa-resign at naghahabla sa kanya ng negligence. Luma nang linya ‘yang kay Honrado. Salita ‘yan ng mga nabistong tiwali na marami nang nakulimbat na pera ng bayan, pero mayabang pa dahil meron siyang pansuhol sa mga imbestigador at huwes.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest