EDITORYAL – Kinatatakutan na ang NAIA sa ‘tanim-bala’
MASKI sa ibang bansa ay usap-usapan na ang “tanim-bala” sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Sa Australia, mahigpit ang babala sa mamamayan nila na mag-ingat sa “tanim-bala”. Maski sa Japan ay usap-usapan na rin ang “tanim-bala”.
At habang marami ang kinakabahan habang nasa NAIA (particular ang mga OFW at matatanda) wala pang nadadakma sa mga “nagtatanim ng bala”. Dahil kaya wala namang pagpupursigi ang pamahalaan o ang manager ng Manila International Airport Authority (MIAA) na mahuli ang mga nagtatanim ng bala. At ang sabi mismo ni DOTC Secretary Joseph Abaya na kakaunti lang naman daw ang mga may kaso ng bullets possession. Ayon kay Abaya, .004 percent lamang ang sangkot sa pag-iingat ng bala. Ang .004 percent ayon kay Abaya ay 1,510 katao. Ganito lamang umano karami ang mga may kaso ng bala. At ayon kay Abaya, 34.2 million ang nagdadaan sa NAIA at kung titingnan daw ang 1,510 na sangkot sa bala, kaunti lamang ito. Napakaliit na porsiyento lamang umano ang nauugnay sa bullet possession.
Halos katulad din ito ng sinabi ng Malacañang na isolated case ang napabalitang “tanim-bala” sa NAIA. Kaunti lamang ang mga sangkot. Dito nakikita ang kawalan ng malasakit sa mga taong nabiktima ng “tanim-bala. Sa halip na sabihin ni Abaya na ipag-uutos niya ang pag-iimbestiga at pagdakma sa mga “tanim-bala” sa NAIA, sinabing kakaunti lamang daw ito. Isolated case lamang ito. Iilan lamang daw ito.
At habang nababalewala ang kaso sa “tanim-bala”, maraming papaalis na pasahero ang kinakabahan sapagkat baka masingitan ng bala ang kani-kanilang bagahe. Maski sa pagtungo sa comfort room ay dinadala na ng mga OFW at balikbayan ang kanilang bag.
Kahiya-hiya na ang nangyayaring ito sa NAIA. Kailangang gumawa na ng drastic action ang pamahalaan ukol dito. Kapag wala pang ginawang mabigat, walang turista na magnanais magtungo sa bansa. Matatakot sila at ang resulta, lumpo ang industriya ng turismo.
- Latest