37 years na ang JIL!
BUKAS ay idaraos ng malawak na Jesus is Lord Church (JIL) sa pamumuno ni Bro. Eddie Villanueva ang ika-37 anibersaryo ng pagkakatatag nito.
Nung nagdaang linggo ay guest panelist ako sa TV program na Dios at Bayan kasama ang bantog nating kolumnista na si Jarius Bondoc. Ang paksa ay ang tungkol sa paglago ng JIL bilang isang worldwide Christian Church na may milyun-milyon nang members sa buong daigdig, mula sa isang maliit na fellowship group na pinangunahan ni Bro. Eddie na isa pang batambatang dating student activist.
Nasabi ko nga na kahit hindi ako miyembro ng JIL dahil may ibang local church akong kinasasapian, malaki ang naiambag ng JIL sa aking pagiging born again Christian. Kasi’y narinig ko ang pangangaral noon ni Bro. Eddie sa Channel 13 na pumukaw sa puso ko para magsaliksik at basahin ang Biblia.
Kakilala ko kasi si Bro. Eddie (kahit di niya ako kilala noon) bilang isang dating radikal na aktibista na lumaban sa mapanupil na rehimen ni Ferdinand Marcos. Nasabi ko sa sarili ko, bakit kaya ang isang taong matigas ang paninindigan sa simulaing komunista ay biglang nagbago ang pananaw sa buhay at naging mananampalataya? Yun marahil ang dahilan kung bakit narahuyo akong makinig lagi sa pangangaral niya. Yaon ang nagtanim sa puso ko ng Salita ng Diyos, dahilan para lumalim ang aking pananampalataya kay Jesus. Sabi nga niya, kung noong araw ay ipinaaresto siya at ipinabilanggo ng diktaduryang nilalabanan, kakaiba nang maging Kristiyano siya dahil si Jesu-Cristo ang umaresto sa kanya na naging simula nang kanyang pagbabago.
Hindi ko nga sukat akalaing magiging good friends kami ni Bro. Eddie. Sabi niya nang una kaming magkita “Bro. Al, maaaring hindi tayo nagkikita sa pisikal noon pero matagal na tayong may ugnayan sa espiritu.”
Bukas, sa seremonya sa Luneta Park, magbabahagi si outgoing TESDA Secretary Joel Villanueva (anak ni Bro Eddie) tungkol sa papel ng mga kabataan sa paghubog ng lipunan. Panauhin si World boxing champ at Saranggani Rep Emmanuel Pacquiao na ibabahagi ang kanyang natatanging karanasan kung paano binago ng Panginoon ang kanyang buhay. Happy and blest anniversary JIL!
- Latest