Mga tatlong bagyo pa raw
MAY naidulot na maganda ang bagyong Kabayan. Bagama’t hindi naman direktang tinamaan ang bansa, nagdala ito ng ulan na kailangan na kailangan ng Luzon. Nadagdagan ng tubig ang mga dam ng Luzon, isang bagay na kulang na kulang ngayon. Ang Magat, San Roque, Binga at Ambuklao ay napuno na. Ang Pantabangan at Angat na nasa kritikal na label ay tumaas ng ilang metro, bagay na ikinatuwa ng mga magsasaka. Diyos lang talaga ang nakapagbibigay ng tunay na biyaya. Bukod sa ulan na kailangan na kailangan ng kanilang mga tanim, baka maibalik na rin ang irigasyon sa kanila mula sa Angat. Angat din ang nagsusuplay ng tubig sa Metro Manila.
Pero mababa pa rin daw ang lebel ng Pantabangan at Angat sa ngayon. Mga dalawa o tatlo pang bagyo tulad ng Kabayan sana ang kailangang dumaan malapit sa mga nasabing dam para umabot sa normal na lebel ang tubig. Kung mangyayari ito sa taong ito, maganda na ang suplay para sa darating na taon, at baka mahinto na ang araw-araw na water interruption sa Metro Manila. Sana nga ay may mga low pressure na pumasok pa sa bansa na may dalang ulan. Umabot lang sa normal na lebel ang dalawang dam at maulanan ng tama ang mga tanim, magiging maganda ang ating katapusan ng taon.
Kabalintunaan ang mangarap ng bagyo. Nasanay na rin kasi tayo sa mga malalakas na bagyong pumapasok sa bansa sa mga buwang ito. Pero matindi talaga ang El Niño ngayon at wala pa yatang malakas na bagyong pumapasok sa bansa ngayong taon. Inaprubahan na rin ng MWSS ang pagkuha ng tubig ng Manila Water at Maynilad mula sa Laguna Lake simula sa taong 2017. Mas madali pa rin daw linisin ang tubig na galing sa Laguna Lake kumpara sa Pasig River at Manila Bay. Pero mas malinis pa kaya ang Laguna Lake sa taong 2017? Dapat ngayon pa lang ay maging mahigpit na ang Laguna Lake Development Authority sa kalinisan ng lawa. Maging mahigpit laban sa pagtapon ng basura, pati ang mga tapon ng mga pabrikang malapit sa lawa. Isipin mo kung dito na nanggagaling ang tubig na pinanglilinis at iniinom natin, dapat lang ay hindi tapunan ng basura. Marami rin ang nakatira sa baybayin ng lawa, kaya ang tanong, saan napupunta ang kanilang mga basura at kung anu-ano pang bagay na baka sa lawa na lang tinatapon? Ayoko yatang isipin. Sana umulan na lang nang malakas.
- Latest