‘Baryang pondo ng PDEA’
MATAGAL nang problema sa bansa ang talamak na pagkalat ng ilegal na droga. Matagal na ring nananawagan ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa gobyerno ng suporta sa pagdedeklara ng gyera kontra droga.
Subalit, hanggang sa kasalukuyan nananatiling humigit-kumulang sa P500 milyones pa rin ang taunang pondo ng ahensya. Nasa ilalim ito ng tanggapan ng pangulo kung saan ang tingin sa kanila, tau-tauhan lang sa isang maliit na departamento.
Maliban sa kakarampot na pondo, problema rin ang kawalang-sapat na kagamitan, teknolohiya at bilang ng mga tauhan.
Hindi tiyak kung sadyang manhid si Pangulong Noy Aqui-no sa problemang ito o talagang nagbibingi-bingihan lang.
Hindi nababahala sa pagtaas ng krimen na ang sanhi, ilegal na droga. Para bang pinipikitan nalang ang lalo pang lumalalang problema.
Sa isinagawang budget hearing sa Senado nitong nakaraang araw, sinisi ni Senator Juan Ponce Enrile si PDEA Chief Usec. Arturo Cacdac sa pagkalat ng ilegal na droga sa bansa.
Banta ng senador, tatapyasin niya ang hinihiling na P1.004 bilyones na pondo ng ahensya sa susunod na taon.
Hindi yata naiintindihan ni Enrile ang mga kaganapan dahil mukhang may selda syndrome’ pa ang senador. Kaya ang napagdiskitahan, mga pobreng pinopondohan lang ng barya.
Isa ang BITAG sa mga programa sa media na matagal nang nananawagan sa pamahalaan partikular sa mga mambabatas sa lehislatura, taasan ang pondong ilalaan sa mga ahensyang nagdedeklara ng gyera kontra droga.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.
- Latest