EDITORYAL - Parusahan nang mabigat ang mga ‘tanim-bala’
SINUSPINDE lang ang apat na bag inspectors at x-ray screeners sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na inakusahang “nagtatanim ng bala” sa baggage ng balikbayan at turista para makapang-extort ng pera. Ang apat na extortionists ay nakatalaga sa NAIA’s Office of Transportation Security (OTS).
Napakagaan namang parusa ang binigay sa mga “tanim-bala”. Ibig sabihin, maaari pang makabalik sa NAIA ang apat na “magtatanim ng bala” dahil suspendido lang sila. Nakakahiya sila. Dapat sa apat na magtatanim ng bala, kasuhan at parusahan nang mabigat. Ang mga katulad nila na gumagawa nang modus para makapang-extort ng pera ay hindi dapat pinatatawad. Napakasama ng ginagawa nila sa mga walang kamalay-malay na balikbayan at turista.
Nabuking ang modus ng apat na “tanim-bala” nang magreklamo ang isang balikbayang babae na nagreklamo dahil hinihingan siya ng pera ng mga ito dahil may nakitang bala sa kanyang bagahe. Ayon sa porter na tumulong sa babae, humihingi raw ng P500 ang mga nagtanim ng bala para hindi na siya maabala. Patungong California ang babae. Hindi siya nagbigay ng P500 bagkus ay nireklamo ang mga tanim-bala. Nang rebyuhin ang CCTV, nakita ang apat na malalimang nagdidiskusyon.
Tinaniman din ng bala ang turistang si Lane Michael White noong Setyembre 17. Patungo umano si White sa Palawan. Isang bala ng caliber 22 ang nakuha sa baggage ni White. Hiningan umano siya ng P30,000 ng OTS officer. Nang hindi siya makapagbigay, denitained siya ng anim na araw sa aviation police office. Kinilala ni White ang dalawang OTS personnel na sina Maria Elma Cema, 46, at Marvin Garcia, 23.
Nakakahiya ang apat na “tanim-bala”. Dinagdagan nila ang masamang imahe ng NAIA. Sa halip na tulungan nilang maibangon ang bagsak na imahe, lalo pang nilubog. Dapat maparusahan nang mabigat --- ikulong --- ang apat para hindi pamarisan. Maging alerto naman sana ang lahat nang pasaherong dadaan sa NAIA. Mag-ingat sa mga “tanim-bala”.
- Latest