‘Pulot’ hindi pwede mag-Presidente?
NAKAKALUNGKOT ang sabi ni Supreme Court senior justice Antonio Carpio sa citizenship case ni Sen. Grace Poe. Aniya dahil “pulot” lang ito, hindi umano ito natural-born kundi naturalized Filipino, kaya batay sa Konstitusyon ay hindi rin maari mag-President, VP, senador, kongresista, o mahistrado ng Korte Suprema.
Kakampi man o kaaway ni Poe, mapapaisip ang mamamayan kung makatarungan ang pahayag. Ika nga ni family law specialist Prof. Katrina Legarda: “Libo-libong abandonadong bata ang maaapektuhan! Kung hin ipagpapalagay ang ‘pulot’ na natural-born, walang abandonadong bata ang maari humangad ng pambansang katungkulan. Napaka-teribleng diskriminasyon niyan, hindi ba?”
Talaga! Pantay-pantay lahat ng nilalang. Saad ‘yan ng Bill of Rights ng Konstitusyon: “Hindi dapat alisan ng buhay, kalayaan, o ariarian ang sinoman, nang wala sa kaparaanan ng batas, ni pagkaitan ang sinoman ng pantay na panga-ngalaga ng batas.” Pangunahin ‘yan.
Nagmula ang opinyon ni Carpio sa prinsipyo ng “jus sanguinis,» karapatan sa dugo. Dapat Filipino ang magulang para maituring na natural-born, at maari mag-pambansang pinuno. Dahil hindi kilala ang magulang ng «pulot,» ani Carpio, naturalized lang ito sa pag-ampon, utos ng korte, o pagkaloob ng passport.
Gan’un nga ba? Sinasabing sentido-komon ang batas. Kasalanan ba ng sanggol na iniwan siya ng magulang, kaya walang rehistro ng kapanganakan? At dahil du’n dapat magpa-naturalize pa ito?
“Hindi gan’un!” giit ni Legarda, at mga kapwa-child rights lawyers Eric Mallonga at Elizabeth Pangalangan. Sa international law, kinikilala ang “pulot” na mamamayan ng bansang pinag-pulutan, anila. At dapat ipagpalagay ito na natural-born. Saad ito sa transcripts ng 1934 Constitutional Convention. Dayuhan lang ang nagpapa-naturalize para maging mamamayan; e hindi naman dayuhan ang “pulot,” di ba nga?
- Latest