EDITORYAL – Sana nga, hindi ‘moro-moro’
“DRAMAAA! Dramaaa!’’ Iyan ang mga sinabi ni Vice President Jejomar Binay sa isasagawang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman kina Pres. Noynoy Aquino at Budget Secretary Butch Abad kaugnay sa maanomalyang Disbursement Allocation Program (DAP) . Wala raw mangyayari sa dramang ito. Kung totoo raw na iimbestigahan ng Ombudsman, dapat sana, sinuspinde muna ang dalawa. Wala raw kahahantungan ang imbestigasyon. Ayon pa kay Binay, may sapat namang batayan para imbestigahan ang dalawa sa DAP na una nang dineklara ng Kataas-taasang Hukuman na lumabag sa Konstitusyon.
Dagdag pa ni Binay, ang layunin ng Ombudsman ay patayin ang isyu sa DAP at tuluyang makalimutan ng mamamayan sa 2016 na panahon ng eleksiyon. At mabigat ang babala ni Binay na kapag siya ang nahalal na Presidente sa 2016, isusulong niya ang imbestigasyon sa DAP para managot ang mga opisyales na sangkot dito.
Sa mga pahayag ni Binay, ang kredibilidad ng Ombudsman ang nakataya. Nararapat lamang na magkaroon ng imbestigasyon sa DAP at ipakitang hindi “moro-moro” o drama lamang ang isasagawang imbestigasyon laban kina P-Noy at Abad. Isang malaking hamon kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales ang mga pahayag ni Binay na wala ring kapupuntahan ang imbestigasyon at “papatayin” para ganap na malimutan ng mamamayan.
Naniniwala naman kami na magiging patas ang Ombudsman sa pag-iimbestiga sa DAP na kinasasangkutan ng Presidente at Budget Secretary. Gawin ang iniatang na tungkulin at ipakitang walang kinikilingan. Isinusulong ng pamahalaan ang “tuwid na daan” at magiging katawa-tawa kung hindi magkakaroon ng imbestigasyon sa sinasabing katiwalian. Masisira ang tiwala ng publiko kung makaliligtas ang “malalaking isda” subalit hindi ang mga “dilis”. Magiging kahiya-hiya sa paningin ng mamamayan kung ang mga nasa poder ay makaliligtas sa pag-uusig samantalang ang mga kalaban ay itinatapon sa kulungan para magdusa. Hindi dapat umiral ang selective justice. Parusahan ang mga nagsamantala sa bayan.
- Latest